Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
Paano ba maging isang mabuting magulang?
Kay sarap para sa isang bata na lumaki sa isang tahanan na ang mga magulang ay may paggalang at pagmamahal sa isa’t isa. (Colosas 3:14, 19) Minamahal at pinapupurihan ng mabubuting magulang ang kanilang mga anak, kung paanong pinapurihan ng Diyos na Jehova ang kaniyang Anak.—Basahin ang Mateo 3:17.
Pinakikinggan ng ating makalangit na Ama ang kaniyang mga lingkod, at nakikisimpatiya siya sa kanilang damdamin. Mga magulang, tularan Siya at makinig sa sinasabi ng inyong mga anak. (Santiago 1:19) Dapat ninyong bigyang-pansin ang kanilang damdamin, pati na ang mga negatibong sinasabi nila.—Basahin ang Bilang 11:11, 15.
Paano mo palalakihing responsable ang iyong mga anak?
Bilang magulang, may awtoridad kang gumawa ng mga tuntunin. (Efeso 6:1) Matuto mula sa halimbawa ng Diyos. Ipinahahayag niya ang pag-ibig niya sa kaniyang mga anak sa pamamagitan ng malinaw na pagsasabi ng mga tuntunin at ng masasamang resulta kapag hindi nila iyon sinunod. (Genesis 3:3) Pero sa halip na piliting sumunod ang mga tao, tinuturuan niya sila kung paano makikinabang kapag ginawa nila ang tama.—Basahin ang Isaias 48:18, 19.
Gawing tunguhin na tulungan ang iyong mga anak na mahalin ang Diyos. Kung gayon ay kikilos sila nang may katalinuhan kahit hindi ka nila kasama. Kung paanong nagtuturo ang Diyos sa pamamagitan ng halimbawa, turuan ang iyong mga anak na ibigin ang Diyos sa pamamagitan ng iyong halimbawa.—Basahin ang Deuteronomio 6:5-7; Efeso 4:32; 5:1.