Pagkawala ng Trabaho—Mga Prinsipyo sa Bibliya na Makakatulong sa Iyo
Kapag nawalan ka ng trabaho, hindi ka lang mamomroblema sa pinansiyal, apektado din nito ang pamilya mo, ang emosyon mo, at ang isip mo. Pag-isipan ang sumusunod na mga mungkahi na base sa mga prinsipyo sa Bibliya. Makakatulong sa iyo ito na maharap ang problema.
Sabihin sa iba ang pinagdadaanan mo.
Ang sabi ng Bibliya: “Ang tunay na kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon.”—Kawikaan 17:17.
Kapag nawalan ka ng trabaho, baka malungkot ka at magalit. Baka gulong-gulo din ang isip mo at pakiramdam mo nabigo ka. Kapag sinabi mo sa mga kapamilya o malalapít na kaibigan ang nararamdaman mo, puwede nilang mapagaan ang pakiramdam mo. Makakapagbigay din sila ng praktikal na mga payo na makakatulong sa iyo na makahanap ng bagong trabaho.
Iwasan ang sobrang pag-aalala.
Ang sabi ng Bibliya: “Huwag kayong mag-alala tungkol sa susunod na araw, dahil ang kasunod na araw ay magkakaroon ng sarili nitong mga álalahanín.”—Mateo 6:34.
Nagpapayo ang Bibliya na magplano tayo nang patiuna. (Kawikaan 21:5) Pero pinapayuhan din tayo nito na huwag sobrang mag-alala sa mga puwedeng mangyari sa hinaharap. Kasi kadalasan, hindi naman nangyayari ang di-magagandang bagay na iniisip natin. Mas mabuti kung magpopokus ka sa mga kaya mong gawin ngayon.
May iba pang praktikal na mga payo ang Bibliya na makakatulong sa iyo na maharap ang stress. Para sa higit pang impormasyon, basahin ang “Kung Paano Mahaharap ang Stress.”
Gumawa ng pagbabago sa paraan mo ng paggastos.
Ang sabi ng Bibliya: “Alam ko kung paano mabuhay nang kapos at nang sagana.”—Filipos 4:12.
Mag-adjust sa sitwasyon mo ngayon. Kasama diyan ang pagbabago mo sa paraan ng paggastos para sumapat ang perang mayroon ka. Iwasan ang mga di-kinakailangang utang.—Kawikaan 22:7.
Para sa higit pang mungkahi kung paano ka makakapag-adjust sa budget mo ngayon, tingnan ang artikulong “Paano Ka Makakapag-adjust Kapag Nabawasan ang Iyong Kita?”
Gamitin nang tama ang panahon mo.
Ang sabi ng Bibliya: “Patuloy na lumakad nang may karunungan . . . Gamitin ninyo sa pinakamabuting paraan ang oras ninyo.”—Colosas 4:5.
Kahit wala ka nang iskedyul na pumasok sa trabaho, magkaroon pa rin ng magandang rutin para magamit mo nang tama ang panahon mo. Kapag ginawa mo iyan, mas magiging normal ang buhay mo at mararamdaman mong may nagagawa ka.
Maging flexible.
Ang sabi ng Bibliya: “May pakinabang sa bawat pagsisikap.”—Kawikaan 14:23.
Maging handang tanggapin ang trabaho kahit iba ito sa trabaho mo noon. Baka puwede mong pag-isipan ang mga trabahong parang mas mababa o mas maliit ang suweldo kumpara sa trabaho mo noon.
Maging matiyaga.
Ang sabi ng Bibliya: “Maghasik ka ng binhi sa umaga, at huwag kang magpahinga hanggang gabi; dahil hindi mo alam kung alin sa mga ito ang tutubo.”—Eclesiastes 11:6.
Maging matiyaga sa paghahanap ng trabaho. Ipaalám sa iba na naghahanap ka ng trabaho. Sabihin ito sa mga kamag-anak mo, kakilala, dating katrabaho, at mga kapitbahay. Maghanap sa mga employment agency, tumingin ng mga wanted ads, at ng mga job opening sa mga website ng mga kompanya. Bago ka makahanap ng trabaho, asahan mong maraming job interview at marami ka ring papasahan ng résumé.