Talaga Bang Nabuhay si Juan Bautista?
Binanggit sa ulat ng Ebanghelyo ang isang lalaking nagngangalang Juan Bautista, na nangaral sa Judea tungkol sa Kaharian ng Diyos. Totoo ba ang ulat na ito ng Bibliya? Pag-isipan ito:
Ganito ang sabi ng Bibliya: “Si Juan Bautista ay dumating sa ilang ng Judea at nangaral. Sinasabi niya: ‘Magsisi kayo dahil ang Kaharian ng langit ay malapit na.’” (Mateo 3:1, 2) Pinapatunayan ba ng sekular na mga reperensiya na totoo ang ulat na ito? Oo.
Inilarawan ng unang-siglong istoryador na si Flavius Josephus ang isang lalaking “Juan, na pinangalanang Bautista,” na “humimok sa mga Judio na mamuhay nang matuwid,” ipakita ang “kabanalan sa Diyos,” at “magpabautismo.”—Jewish Antiquities, Book XVIII.
Sinabi ng Bibliya na sinaway ni Juan si Herodes Antipas, isang tagapamahala ng distrito ng Galilea at Perea. Si Herodes ay nag-aangking Judio na sumusunod sa Kautusan. Sinabi ni Juan kay Herodes na mali ang ginawa niyang pagpapakasal kay Herodias na asawa ng kapatid niya. (Marcos 6:18) Bukod sa Bibliya, ang detalyeng ito ay sinusuportahan ng iba pang reperensiya.
Sinabi ng istoryador na si Josephus na “nahulog ang loob [ni Antipas] kay Herodias” at na “hindi man lang nahiyang sabihing pakasalan siya nito.” Tinanggap ito ni Herodias at iniwan ang kaniyang asawa para magpakasal kay Antipas.
Iniulat ng Bibliya na “pumupunta [kay Juan] ang mga taga-Jerusalem at ang mga tao sa buong Judea at sa buong lupain sa palibot ng Jordan. Binabautismuhan niya sa Ilog Jordan ang mga ito.”—Mateo 3:5, 6.
Sinuportahan din ni Josephus ang detalyeng ito. Isinulat niya na “dumaragsa” ang nagpupunta kay Juan dahil “naaakit [o napapatibay] sila ng kaniyang mga sermon.”
Maliwanag, para sa unang-siglong istoryador na si Josephus, talagang nabuhay si Juan Bautista. Kaya makakapagtiwala ka ring nabuhay siya.