PATULOY NA MAGBANTAY!
Magkakaisa Ba Talaga ang Mundo Dahil sa World Cup?—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?
Tinatayang limang bilyong tao ang manonood ng FIFA World Cup na nagsimula noong Nobyembre 20 at matatapos sa Disyembre 18, 2022. Iniisip ng marami na hindi lang basta sabay-sabay na manonood ang mga tao sa ganitong sports event.
“Kayang baguhin ng sports ang mundo. Kaya nitong pakilusin ang mga tao. Kakaiba rin ang kakayahan nito na pagkaisahin ang mga tao.”—Nelson Mandela, dating presidente ng South Africa.
“Dahil sa football, nagkakaisa ang lahat. Lahat ay umaasa, lahat ay masaya, lahat ay excited, at mahal nila ang lahat, kahit magkakaiba sila ng pinagmulan.”—Gianni Infantino, presidente ng FIFA. a
Magagawa ba talaga iyan ng World Cup o iba pang sports event? Posible ba talagang magkaroon ng kapayapaan at pagkakaisa?
Tunay na pagkakaisa dahil sa sports?
Hindi lang basta football ang World Cup ngayong taon. Dahil dito, nagkaroon ng mga debate tungkol sa mga isyung politikal at panlipunan gaya ng karapatang pantao, racism, at di-pagkakapantay-pantay ng tao dahil sa ekonomiya.
Masaya ang mga tao kapag may mga internasyonal na sports event gaya ng World Cup. Pero anuman ang gawin nila, imposibleng magkaroon ng tunay na pagkakaisa dahil sa mga ito. Ang totoo, lalo pa ngang lumilitaw dito ang mga ugali ng tao na dahilan ng pagkakabaha-bahagi. Inihula iyon sa Bibliya na mangyayari sa “mga huling araw.”—2 Timoteo 3:1-5.
Tunay na pagkakaisa sa mundo
Mababasa sa Bibliya na talagang magkakaisa ang lahat ng tao sa mundo. Sinasabi rito na gagawin ito ng isang gobyerno sa langit na tinatawag na “Kaharian ng Diyos.”—Lucas 4:43; Mateo 6:10.
Titiyakin ni Jesu-Kristo, ang Hari ng Kahariang iyon, na magkakaroon ng kapayapaan sa buong mundo. Sinasabi ng Bibliya:
“Mamumukadkad ang matuwid, at mamamayani ang kapayapaan.”—Awit 72:7.
“Ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong . . . Sasagipin niya sila mula sa pang-aapi at karahasan.”—Awit 72:12, 14.
Ngayon pa lang, nagkakaisa na ang milyon-milyong tao sa 239 na lupain dahil sa mga turo ni Jesus. Naalis nila ang galit sa puso nila. Para sa karagdagang impormasyon, basahin ang “Madadaig Natin ang Poot.”
a Fédération Internationale de Football Association, ang internasyonal na grupo na namamahala sa asosasyon ng football (soccer).