Graduation ng Ika-135 Klase ng Watchtower Bible School of Gilead
Noong Setyembre 14, 2013, nagtipon ang mga 10,500 para sa graduation ng ika-135 klase ng Watchtower Bible School of Gilead sa educational center ng mga Saksi ni Jehova sa Patterson, New York. Sinasanay ng paaralang ito ang mga makaranasang ministrong Saksi ni Jehova para lalo silang maging mahusay sa kanilang mga atas.
Si Guy Pierce, miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova at chairman ng programa, ang nagbigay ng pambungad na pananalita batay sa Mateo 28:19, 20: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, . . . na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.”
Itinawag-pansin ni Brother Pierce na ang mga salitang iyon ni Jesus ay natutupad hanggang sa ngayon. Sa paggawa natin ng mga alagad, tinuturuan natin ang mga tao na sundin ang lahat ng iniutos ni Jesus. At kasama rito ang utos niya na ipangaral ang “mabuting balitang ito ng kaharian.” (Mateo 24:14) Sa ganitong paraan, bawat bagong alagad ay nagiging mángangarál at guro ng Kaharian. Ano ang naging resulta nito? “Dumarami ang populasyon [ng daigdig],” ang sabi ni Brother Pierce, “pero gayon din ang bayan ng Diyos.”
“Nagbigay Sila Nang Higit Pa sa Kanilang Talagang Kakayahan.” Si Thomas Cheiky, miyembro ng Komite ng Sangay sa United States, ay nagpahayag batay sa 2 Corinto 8:1-4. Sa kabila ng matinding karalitaan, ang mga kongregasyon sa Macedonia noong unang siglo ay nagsumamo na mag-abuloy para sa mga kapananampalataya nila sa Jerusalem na nangangailangan ng tulong. Ganiyan din ang pagkabukas-palad at pagsasakripisyong ipinakita ng mga estudyante ng Gilead.
Masasabi rin natin na ang mga taga-Macedonia ay maingat dahil hindi naman sila nagbigay nang sobra-sobra anupat napabayaan nila ang kanilang pamilya o ang pagsamba sa Diyos. Pinayuhan ni Brother Cheiky ang mga estudyante na tularan ang mga taga-Macedonia sa pagiging balanse sa pagbibigay.
“Tapós Na ang Klase.” Itinampok naman ni Samuel Herd ng Lupong Tagapamahala kung bakit dapat alalahanin ng mga estudyante ang kanilang mga karanasan sa Gilead School. Tulad ng isang magandang himig na naiiwan sa isang tao sa buong maghapon matapos niya itong marinig sa umaga, ang magagandang alaala ng Gilead ay magpapatibay sa mga estudyante kahit tapós na ang klase.
Ipinaalaala ni Brother Herd sa mga estudyante na walang limitasyon ang memorya ng Diyos. Binigyan niya ng pangalan ang bilyon-bilyong bituin sa uniberso, at hindi niya nakakalimutan ang isa man sa mga ito. (Awit 147:4) Lalong higit na hindi niya malilimutan ang lahat ng ginawang pagsisikap ng mga estudyante sa Gilead! Nag-ipon sila ng “mga kayamanan sa langit,” at walang makapag-aalis ng magagandang alaalang iyon sa memorya ni Jehova.—Mateo 6:20.
Yamang hindi nalilimutan ng Diyos ang ginawa ng mga estudyante at ang pag-ibig nila sa kaniya, tama lang na patuloy nilang alalahanin ang kanilang mga karanasan sa Gilead. “Kapag ang magagandang alaala ng paaralang ito ay nagpasaya sa inyong araw,” ang sabi ni Brother Herd, “huwag n’yong kalimutang pasalamatan ang Isa na naging dahilan ng inyong kagalakan—si Jehova. Patuloy na alalahanin ang mga bagay na ito. Tiyak na makikinabang kayo rito.”
“Patuloy na Maaliw sa Di-mailarawang Kapangyarihan ni Jehova.” Pinatibay ni Sam Roberson, isang instruktor sa Gilead, ang mga estudyante na harapin ang mga hamon sa tulong ng kapangyarihan ni Jehova sa halip na umasa sa sarili nilang lakas. Sinasabi ng Efeso 3:20 na ang Diyos ay “makagagawa ng ibayo pang higit sa lahat ng mga bagay na ating mahihingi o maiisip.” Hindi natin kayang arukin ang kaniyang kapangyarihan anupat kahit ang pananalitang ‘higit sa lahat ng ating maiisip’ ay kulang para mailarawan ito, dahil sinasabi ng talata na siya ay makagagawa ng “ibayo pang higit” kaysa rito.
Inilalaan ni Jehova ang kaniyang di-mailarawang kapangyarihan sa bawat Kristiyano. Gaya siya ng “isang kahila-hilakbot na makapangyarihan,” o “makapangyarihang mandirigma,” sa mahihirap na kalagayan. (Jeremias 20:11; Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Ipinaalaala ni Brother Roberson sa mga estudyante na si Jehova ay tutulong para mapagtagumpayan nila ang anumang problemang mapapaharap sa kanila.
“Panatilihin ang Inyong Dangal sa Gawaing Pang-Kaharian.” Ipinaliwanag ni William Samuelson, isa ring instruktor sa Gilead, na ang mga estudyante ng Gilead ay nagtamo ng dangal sa gawaing pang-Kaharian sa dalawang paraan. Pinatunayan nilang karapat-dapat sila sa pagpapahalaga dahil sa kanilang gawain bago at habang nag-aaral, at patuloy rin silang tumatanggap ng karangalan at paggalang dahil sa pagiging kinatawan ng pinakamataas na gobyerno sa uniberso—ang Kaharian ng Diyos.
Paano mapananatili ng mga estudyante ang kanilang dangal? Hinimok sila ni Brother Samuelson na iukol ang karangalan kay Jehova at igalang ang iba, gaya ng ginawa ni Jesus sa mga nasa paligid niya kahit kailangan niya silang ituwid o payuhan. Ano ang magiging resulta? Tulad ni apostol Pablo, madaragdagan ng mga estudyante ang kanilang dangal at maluluwalhati nila ang kanilang ministeryo sa halip na ang kanilang sarili.—Roma 11:13.
“Ang Awtoridad ng mga Kabayo ay Nasa Kanilang mga Bibig.” Ipinakita ni Michael Burnett, isa pang instruktor sa Gilead, na gumagawa tayo kaayon ng katuparan ng Apocalipsis 9:19 kapag ginagamit natin ang ating mga natututuhan sa mga Kristiyanong pagpupulong para makapagsalita nang may awtoridad sa ating pagpapatotoo. Pagkatapos ay nakipagtalakayan siya sa mga estudyante habang ikinukuwento o isinasadula ng mga ito ang kanilang karanasan sa ministeryo habang nasa Gilead. Halimbawa, nakuha ng isang estudyante ang interes ng isang gasoline boy sa pagtatanong, “Kailan nagsimula at natapos ang mga takdang panahon ng mga bansa?” (Lucas 21:24) Sa muli niyang pagdalaw, tinulungan niya ang lalaking iyon na masagot ang tanong sa tulong ng Daniel kabanata 4, pati na ng apendise sa aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
“Napatatag ang Kanilang Puso.” Ininterbyu ni Adrian Fernandez, isang miyembro ng Komite ng Sangay sa United States, ang dalawang mag-asawang kabilang sa klase. Inilahad ni Brother Helge Schumi na may mga ulat sa Bibliya na nagpapakitang naging mapagmataas ang ilang lingkod ng Diyos nang makatanggap sila ng pantanging pribilehiyo, kung kaya madalas na kasama sa kurso sa Gilead ang payo tungkol sa pananatiling mapagpakumbaba. (2 Cronica 26:16) Naalaala rin ni Brother Peter Canning ang matalinong payo mula sa isang lektyur sa Gilead tungkol sa pag-aaral ng wika: “Huwag maging mapagmataas. Dapat ay handa kang magmukhang katawa-tawa.” Nagpasalamat ang dalawang mag-asawang ito dahil pinatibay sila ng kurso para sa higit pang gawain, anupat napatatag ang kanilang puso.—Hebreo 13:9.
“Magsaya Kayo Sapagkat ang Inyong mga Pangalan ay Nakasulat Na sa Langit.” (Lucas 10:20) Si Geoffrey Jackson ng Lupong Tagapamahala ang nagbigay ng pangunahing pahayag. Di-tulad ng mga nakapag-aral noon sa Gilead, karamihan sa mga nagsisipagtapos ngayon ay hindi tatanggap ng kakaibang mga atas o magkakaroon ng kapana-panabik na mga karanasan sa pangangaral sa mga teritoryong di-napupuntahan. Paano sila dapat tumugon?
Nang bumalik ang 70 alagad na isinugo ni Jesus para mangaral, iniulat nila ang kapana-panabik na balitang nakapagpalayas sila ng mga demonyo sa pangalan ni Jesus. (Lucas 10:1, 17) Kinilala ni Jesus na kapana-panabik nga ang mga resultang iyon, pero sinabi niya: “Gayunpaman, huwag kayong magsaya dahil dito, na ang mga espiritu ay napasasakop sa inyo, kundi magsaya kayo sapagkat ang inyong mga pangalan ay nakasulat na sa langit.” (Lucas 10:20) Kaya ipinakita niya na hindi sila palaging magkakaroon ng gayong kapana-panabik na mga karanasan. Dapat silang magtuon ng pansin, hindi sa mga resulta, kundi sa katapatan nila kay Jehova at tiyakin na ang kanilang pangalan ay “nakasulat na sa langit.”
“Ang itinuro ni Jesus sa 70 alagad ay kapit din sa atin sa ngayon,” ang sabi ni Brother Jackson. Hindi dapat maging basehan ng ating kagalakan o ng ating katapatan ang mga resulta ng ating ministeryo. Sa halip, nagkakaroon tayo ng kagalakan at naipakikita natin ang ating katapatan sa pagpapanatili ng matibay na kaugnayan kay Jehova at masikap na paglilingkod sa kaniya.
Kahit si Jesus ay napaharap sa mga sitwasyong maaaring makapagpahina ng kaniyang loob. Halimbawa, pagkatapos niyang makahimalang pakainin ang libo-libo, nagsimula silang sumunod sa kaniya. (Juan 6:10-14, 22-24) Pero nang maglaon, marami ang natisod sa turo ni Jesus, kung kaya ang nagdagsaang mga alagad ay halos maubos. (Juan 6:48-56, 60, 61, 66) Kabaligtaran naman ito ng tapat na mga apostol na determinadong manatiling kasama ni Jesus. Nagpakita sila ng mabuting halimbawa sa pamamagitan ng pagtutuon ng pansin, hindi sa mga resulta, kundi sa kanilang katapatan at kaugnayan kay Jehova.—Juan 6:67-69.
Konklusyon. Tinanggap ng mga estudyante ang kanilang mga diploma, at saka binasa ng isa sa kanila ang liham ng pasasalamat ng klase. Sa konklusyon ni Brother Pierce, sinabi niya na ang bayan ng Diyos, kasali na ang mga nagsipagtapos sa Gilead, ay hindi naman espesyal na mga tao. (Gawa 4:13; 1 Corinto 1:27-31) Pero tinatanggap ni Jehova ang ating pag-aalay at binibigyan niya tayo ng banal na espiritu. At bagaman hindi humahanga si Jehova sa ating kaalaman, sinabi ni Brother Pierce, “Humahanga siya sa katapatan at debosyon natin sa kaniya.”