Pumunta sa nilalaman

Musika sa Maraming Wika

Musika sa Maraming Wika

Ang pagsasalin ng isang awit sa ibang wika ay hindi madaling gawin. At lalong mahirap kung isang buong songbook na may 135 awit ang isasalin.

Pinasimulan ng mga Saksi ni Jehova ang proyektong ito, at sa loob ng tatlong taon, naisalin nila ang kanilang bagong songbook na Umawit kay Jehova sa 116 na wika. Isang bersiyon ng songbook na ito na may 55 awit ang naisalin sa karagdagang 55 wika. Kasalukuyan din itong isinasalin sa marami pang wika.

Pagsasalin at Pagsusulat ng Liriko

Ang Mga Saksi ni Jehova ay nagsasalin na ng mga salig-Bibliyang literatura sa mga 600 wika, mga 400 sa mga ito ay nasa Internet. Pero isang hamon sa kanila ang pagsasalin ng songbook. Bakit? Dahil kailangang sundan ang himig ng bawat awit sa Umawit kay Jehova at iakma rito ang salin ng liriko sa maraming wika.

Ang pagsasalin at pagbuo ng liriko ay iba sa pagsasalin sa isang artikulo ng magasin. Halimbawa, sa pagsasalin ng magasing Bantayan, sinisikap ng mga tagapagsalin na ang bawat ideya ng orihinal na wika ay maitawid nang tumpak. Pero iba pagdating sa musika.

Kung Paano Ito Ginagawa

May kaunting kaibahan ang pagsasalin ng mga awit. Kailangang makahulugan, maganda, at madaling matandaan ang mga liriko.

Dapat na simple lang ang mga salitang gagamitin sa isang awit ng papuri para madaling maintindihan ang mensahe at layunin ng bawat parirala. Sa bawat wika, dapat ibagay ang mga salita sa saliw ng musika at gawin itong natural na para bang mga salita ito mismo ng umaawit.

Paano ito ginagawa ng mga tagapagsalin? Sa halip na gumawa ng salita por salitang salin, tinagubilinan ang mga tagapagsalin na sumulat ng bagong liriko na magtatawid ng mensahe ng orihinal na awit. Habang sinisikap na palitawin ang maka-Kasulatang tema ng bawat awit, gumagamit ang mga tagapagsalin ng pang-araw-araw na pananalita na madaling maintindihan at matandaan.

Sa simula, isinasalin nang literal ang Ingles na awit. Pagkatapos, isang Saksi na marunong kumatha ng liriko ang lilikha ng makulay at makahulugang liriko sa lokal na wika. Susunod, titingnan ito ng mga tagapagsalin at mga proofreader para matiyak na kaayon ng Kasulatan ang mensahe nito.

Masayang-masaya ang mga Saksi ni Jehova sa buong-daigdig nang matanggap nila ang bagong songbook, at pinananabikan din ang paglalabas nito sa marami pang wika.