Tumpak ba ang Salin ng New World Translation?
Ang unang bahagi ng New World Translation ay inilabas noong 1950. Mula noon, may mga nagkomento o kumuwestiyon sa pagiging tumpak ng New World Translation a dahil may mga pagkakasalin ito na naiiba sa ibang salin ng Bibliya. Ang mga pagkakaibang ito ay kadalasan nang dahil sa isa sa mga sumusunod:
Pagkamaaasahan. Ang New World Translation ay batay sa pinakabagong pananaliksik ng mga iskolar at sa pinakamaaasahang sinaunang mga manuskrito. Samantalang ang King James Version ng 1611 ay salig sa mga manuskrito na kadalasang di-gaanong tumpak at hindi kasintanda ng mga ginamit sa pagsasalin ng New World Translation.
Pagiging tapat. Sinikap ng New World Translation na hindi lumihis sa orihinal na mensaheng kinasihan ng Diyos. (2 Timoteo 3:16) Mas pinaburan ng maraming salin ng Bibliya ang tradisyon ng tao kaysa sa mensahe ng Diyos. Halimbawa, pinalitan nila ang personal na pangalan ng Diyos, na Jehova, ng mga titulong gaya ng Panginoon o Diyos.
Pagiging literal. Di-gaya ng pakahulugang mga salin, literal na isinalin ng New World Translation ang mga salita kung natural naman ang datíng ng salitang ginamit o hindi nito itinatago ang diwa ng orihinal. Ang pakahulugang pagsasalin ng orihinal na teksto ng Bibliya ay maaaring magsingit ng mga opinyon ng tao o mag-alis ng mahahalagang detalye.
Mga pagkakaiba ng New World Translation sa ibang mga salin
Nawawalang mga aklat. Sa kanilang mga Bibliya, isinama ng Romano Katoliko at Eastern Orthodox ang mga aklat na kilala bilang Apokripa. Gayunman, ang mga ito ay hindi tinanggap sa Judiong kanon, at kapansin-pansin na sinasabi ng Bibliya na “ipinagkatiwala sa [mga Judio] ang mga sagradong kapahayagan ng Diyos.” (Roma 3:1, 2) Kaya hindi isinama ng New World Translation at ng maraming makabagong salin ng Bibliya ang mga aklat ng Apokripa.
Nawawalang mga talata. Ang ilang salin ay nagdagdag ng mga talata at mga parirala na wala sa pinakamatatandang manuskrito ng Bibliya. Pero hindi isinama ng New World Translation ang mga dagdag na iyon. Inalis din sa maraming makabagong salin ang mga iyon, o kinilalang hindi sinusuportahan ng mapananaligang mga reperensiya. b
Paggamit ng ibang mga salita. Paminsan-minsan, malabo o nakalilito ang salita-por-salitang mga salin. Halimbawa, ang sinabi ni Jesus sa Mateo 5:3 ay madalas isalin: “Blessed are the poor in spirit.” (English Standard Version; King James Version; New International Version) Iniisip ng marami na malabo ang literal na salin na “poor in spirit,” o “dukha sa espiritu,” samantalang iniisip naman ng ilan na ang itinatampok dito ni Jesus ay ang kahalagahan ng pagpapakumbaba o pagiging dukha. Pero ang idiniriin dito ni Jesus ay na ang tunay na kaligayahan ay nagmumula sa pagkilala na kailangan natin ang patnubay ng Diyos. Tama ang pagkakasalin ng New World Translation sa kahulugan ng sinabi ni Jesus—“mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.”—Mateo 5:3. c
Magagandang komento ng mga iskolar na di-Saksi tungkol sa New World Translation
Ganito ang isinulat ng tagapagsalin ng Bibliya at iskolar na si Edgar J. Goodspeed sa kaniyang liham na may petsang Disyembre 8, 1950, tungkol sa New World Translation of the Christian Greek Scriptures: “Ako ay interesado sa gawaing ministeryo ng inyong mga tao, at ang pandaigdig na lawak nito, at ako’y nasisiyahang lubos sa hindi literal, prangka at malinaw na salin. Nagpapamalas ito ng mataas na antas ng mahusay at seryosong pag-aaral, gaya ng mapapatotohanan ko.”
Binanggit ni Propesor Allen Wikgren ng University of Chicago na ang New World Translation ay isang halimbawa ng makabagong salin na sa halip na dumepende sa ibang mga salin, ay kadalasang nagsalin batay sa “orihinal na mga manuskrito.”—The Interpreter’s Bible, Tomo I, pahina 99.
Ganito ang komento ng Britanong kritiko sa Bibliya na si Alexander Thomson tungkol sa New World Translation of the Christian Greek Scriptures: “Maliwanag na ang salin ay gawa ng dalubhasa at matatalinong iskolar, na nagsikap na ilabas hangga’t maaari ang tunay na diwa ng Griegong teksto hanggang sa makakayanang ipahayag ng wikang Ingles.”—The Differentiator, Abril 1952, pahina 52.
Bagaman binanggit ng awtor na si Charles Francis Potter na may napansin siyang ilang di-karaniwang pagkakasalin, sinabi niya: “Napakahusay ng pagkakasalin ng mga di-nagpakilalang tagapagsalin sa mga manuskrito ng teksto, kapuwa ng Griego at Hebreo.”—The Faiths Men Live By, pahina 300.
Iniisip ni Robert M. McCoy na kakaiba ang pagkakasalin ng New World Translation, pero para sa kaniya, ekselente pa rin ito. Ganito ang naging konklusyon ng kaniyang pagsusuri: “Ang pagkakasalin ng Bagong Tipan ay patotoo na may mga iskolar sa kilusan [mga Saksi ni Jehova] na kuwalipikadong lumutas nang may katalinuhan sa maraming suliranin sa pagsasalin ng Bibliya.”—Andover Newton Quarterly, Enero 1963, pahina 31.
Hindi sang-ayon si Propesor S. MacLean Gilmour sa ilang pagkakasalin ng New World Translation. Pero kinilala pa rin niya na ang mga tagapagsalin nito ay “may di-pangkaraniwang kaalaman sa Griego.”—Andover Newton Quarterly, Setyembre 1966, pahina 26.
Sa pagsusuri sa New World Translation na bahagi ng Kingdom Interlinear Translation of the Greek Scriptures, isinulat ng associate professor na si Thomas N. Winter: “Ang salin ng di-nagpakilalang komite ay lubusang kaalinsabay ng panahon at laging wasto.”—The Classical Journal, Abril-Mayo 1974, pahina 376.
Sinabi noong 1989 ng Hebreong iskolar sa Israel na si Propesor Benjamin Kedar-Kopfstein: “Sa aking pagsasaliksik sa wika may kaugnayan sa Bibliyang Hebreo at sa mga salin nito, malimit akong sumasangguni sa edisyong Ingles ng tinatawag na New World Translation. Sa paggawa nito, paulit-ulit kong napatutunayan na ang akdang ito ay nagpapamalas ng taimtim na pagsisikap na maabot ang kaunawaan sa teksto sa pinakawastong posibleng paraan.”
Batay sa pagsusuri sa siyam na pangunahing salin sa Ingles, isinulat ng associate professor sa pag-aaral sa relihiyon na si Jason David BeDuhn: “Ang NW [New World Translation] ay napatunayang pinakatumpak sa lahat ng salin na pinaghambing.” Bagaman iniisip ng mga tao at ng maraming iskolar sa Bibliya na ang mga pagkakaiba sa New World Translation ay dahil may kinikilingang relihiyosong turo ang mga tagapagsalin nito, sinabi ni BeDuhn: “Ang karamihan ng pagkakaiba ay dahil sa pagiging mas tumpak ng NW bilang isang literal at maingat na salin ng orihinal na mga pananalita ng mga manunulat ng Bagong Tipan.”—Truth in Translation, pahina 163, 165.
a Ang mga komento ay para sa mga edisyong Ingles ng New World Translation bago ang rebisyon ng 2013.
b Halimbawa, tingnan ang New International Version at ang New Jerusalem Bible ng mga Katoliko. Ang idinagdag na mga talata ay Mateo 17:21; 18:11; 23:14; Marcos 7:16; 9:44, 46; 11:26; 15:28; Lucas 17:36; 23:17; Juan 5:4; Gawa 8:37; 15:34; 24:7; 28:29; at Roma 16:24. Isiningit naman ng King James Version at Douay-Rheims Version sa 1 Juan 5:7, 8 ang mga pananalitang sumusuporta sa Trinidad, na idinagdag daan-daang taon pagkatapos maisulat ang Bibliya.
c Kahawig ito ng pagkakasalin ng J. B. Phillips sa pananalita ni Jesus, “those who know their need for God” (“ang mga nakaaalam na kailangan nila ang Diyos”). Ginamit naman ng The Translator’s New Testament ang pariralang “those who know their spiritual need” (“ang mga nakaaalam ng kanilang espirituwal na pangangailangan”).