Sino ang Antikristo?
Ang sagot ng Bibliya
Ang antikristo ay hindi lang basta isang indibiduwal o partikular na grupo, dahil sinasabi ng Bibliya na “maraming antikristo.” (1 Juan 2:18) Ang salitang “antikristo,” na nagmula sa salitang Griego na nangangahulugang “laban kay (o kahalili ni) Kristo,” ay tumutukoy sa sinuman na gumagawa ng mga sumusunod:
Ikinakaila na si Jesus ang Kristo (Mesiyas) o na siya ang Anak ng Diyos.—1 Juan 2:22.
Lumalaban sa Kristo, ang Pinahiran ng Diyos.—Awit 2:1, 2; Lucas 11:23.
Nagpapanggap na siya ang Kristo.—Mateo 24:24.
Pinag-uusig ang mga tagasunod ni Kristo, yamang para kay Jesus, siya mismo ang inuusig kapag pinag-uusig ang mga tagasunod niya.—Gawa 9:5.
Nag-aangking Kristiyano pero mapanlinlang naman o manggagawa ng katampalasanan.—Mateo 7:22, 23; 2 Corinto 11:13.
Bukod sa gayong mga indibiduwal, tinutukoy rin ng Bibliya ang mga ito sa kabuuan bilang “ang antikristo.” (2 Juan 7) Unang lumitaw ang antikristo noong panahon ng mga apostol at mayroon pa ring antikristo hanggang ngayon. Inihula ng Bibliya na talagang mangyayari iyan.—1 Juan 4:3.
Kung paano makikilala ang mga antikristo
Itinataguyod nila ang maling mga ideya tungkol kay Jesus. (Mateo 24:9, 11) Halimbawa, ang mga nagtuturo ng Trinidad o na si Jesus ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay hindi umaayon sa mga turo ni Jesus, na nagsabi: “Ang Ama ay mas dakila kaysa sa akin.”—Juan 14:28.
Hindi tinatanggap ng mga antikristo ang sinabi ni Jesus tungkol sa paraan ng pagkilos ng Kaharian ng Diyos. Halimbawa, ayon sa ilang lider ng relihiyon, kumikilos si Kristo sa pamamagitan ng mga gobyerno ng tao. Pero salungat ito sa sinabi mismo ni Jesus: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.”—Juan 18:36.
Sinasabi nila na si Jesus ang kanilang Panginoon, pero hindi naman nila sinusunod ang mga utos niya, gaya ng pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian.—Mateo 28:19, 20; Lucas 6:46; Gawa 10:42.