Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Cremation?
Ang sagot ng Bibliya
Walang espesipikong tuntunin ang Bibliya tungkol sa cremation. Wala ring utos ang Bibliya tungkol sa paglilibing o cremation.
May mga ulat sa Bibliya tungkol sa mga tapat na lingkod ng Diyos na naglibing ng kanilang patay. Halimbawa, maraming ginawa si Abraham para makahanap ng lugar na paglilibingan sa kaniyang asawang si Sara.—Genesis 23:2-20; 49:29-32.
Bumanggit din ang Bibliya ng tapat na mga indibiduwal na nagsunog ng labí ng kanilang patay. Halimbawa, noong mapatay sa digmaan si Haring Saul ng Israel at ang tatlo sa kaniyang mga anak, naiwan ang mga bangkay nila sa teritoryo ng mga kalaban at winalang-dangal ang mga ito. Nang mabalitaan ito ng tapat na mga mandirigmang Israelita, kinuha nila ang bangkay ni Saul at ng kaniyang mga anak, sinunog ang mga ito, at inilibing. (1 Samuel 31:8-13) Ipinapakita ng Bibliya na katanggap-tanggap ang ginawa ng mga lalaking iyon sa mga labí.—2 Samuel 2:4-6.
Mga karaniwang maling akala tungkol sa cremation
Maling akala: Winawalang-dangal ng cremation ang katawan ng patay.
Ang totoo: Sinasabi ng Bibliya na ang mga namatay ay bumabalik sa alabok, na natural sa isang bangkay kapag nabubulok ito. (Genesis 3:19) Sa cremation, bumibilis lang ang pagbalik ng katawan sa abo, o alabok.
Maling akala: Noong panahon ng Bibliya, tanging ang mga taong hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang sinusunog pagkamatay.
Ang totoo: Ang mga bangkay ng ilang di-tapat, gaya ni Acan at ng kaniyang pamilya, ay sinunog. (Josue 7:25) Pero hindi naman ito ang karaniwang nangyayari. (Deuteronomio 21:22, 23) Gaya ng nabanggit na, kahit bangkay ng tapat na mga tao ay sinunog pagkamatay nila, gaya ng sa anak ni Haring Saul na si Jonatan.
Maling akala: Hindi kayang buhaying muli ng Diyos ang isang taong na-cremate.
Ang totoo: Tungkol sa pagkabuhay-muli ng mga patay, hindi problema sa Diyos kung ang katawan ng isang tao ay inilibing, na-cremate, nawala sa dagat, o kinain ng mabangis na hayop. (Apocalipsis 20:13) Kayang-kaya ng Makapangyarihan-sa-lahat na bigyan ng bagong katawan ang isang tao.—1 Corinto 15:35, 38.