Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Euthanasia?
Ang sagot ng Bibliya
Hindi espesipikong tinatalakay ng Bibliya ang euthanasia. a Pero makatuwiran ang sinasabi nito tungkol sa buhay at kamatayan. Hindi katanggap-tanggap ang pagpatay, pero hindi rin kailangan ang desperadong mga hakbang para lang mapahaba ang buhay ng isang malapit nang mamatay.
Ipinakikilala ng Bibliya ang Diyos bilang ang ating Maylalang, “ang bukal ng buhay.” (Awit 36:9; Gawa 17:28) Sa mata ng Diyos, napakahalaga ng buhay. Dahil diyan, hinahatulan ng Diyos ang pagpatay at pagpapakamatay. (Exodo 20:13; 1 Juan 3:15) Karagdagan pa, ipinapakita ng Bibliya na dapat tayong gumawa ng mga hakbang para maingatan ang buhay natin at ang buhay ng iba. (Deuteronomio 22:8) Maliwanag, gusto ng Diyos na pahalagahan natin ang regalong buhay.
Paano kung may taning na ang buhay ng isa?
Hindi kinukunsinti ng Bibliya ang pagpatay sa isang tao kahit malapit na itong mamatay. Pinatutunayan iyan ng nangyari kay Haring Saul ng Israel. Noong masugatan siya nang malubha sa labanan, inutusan niya ang tagapaglingkod niya na patayin siya. (1 Samuel 31:3, 4) Tumanggi ang tagapaglingkod. Nang maglaon, isang lalaki ang nag-angkin na pinagbigyan niya ang kahilingan ni Saul. Pero ang lalaking iyon ay hinatulang may pagkakasala sa dugo. Iyan ang naging hatol ni David, na nagpakita ng kaisipan ng Diyos sa bagay na iyon.—2 Samuel 1:6-16.
Dapat bang gawin ang lahat para patagalin ang buhay ng isa?
Kung maliwanag na malapit nang mamatay ang isa, hindi hinihiling ng Bibliya na pahabain pa ang kaniyang paghihingalo. Sa halip, timbang ang pananaw ng Bibliya tungkol dito. Ang kamatayan ay kaaway natin; resulta ito ng ating pagiging hindi perpekto. (Roma 5:12; 1 Corinto 15:26) Hindi natin inaasam ang kamatayan, pero hindi rin ito dapat katakutan, dahil nangangako ang Diyos na bubuhayin niyang muli ang mga namatay. (Juan 6:39, 40) Kung ang isang tao ay may paggalang sa buhay, hahanapin niya ang pinakamagandang uri ng panggagamot. Pero hindi rin naman siya pipili ng mga medical procedure para lang pahabain ang buhay ng isang taong naghihingalo.
Ang pagpapakamatay ba ay kasalanang di-mapapatawad?
Hindi. Ayon sa Bibliya, hindi ito kasama sa mga kasalanang walang kapatawaran. Kahit seryosong kasalanan ang pagpapakamatay, b naiintindihan ng Diyos ang ilang dahilan, gaya ng sakit sa isip, sobrang stress, o minanang katangian na maaaring maging sanhi ng kagustuhang magpakamatay. (Awit 103:13, 14) Sa pamamagitan ng Bibliya, naglalaan siya ng tulong sa mga nahihirapan ang kalooban. Sinasabi rin ng Bibliya na magkakaroon ng “pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” (Gawa 24:15) Ipinapakita nito na may pag-asang buhaying muli ang mga taong nakagawa ng malulubhang kasalanan, gaya ng pagpapakamatay.
a Ang euthanasia, o mercy killing, ay nangangahulugan ng “pagpatay ng tao dahil sa awa; madali at walang kirot o kahirap-hirap na kamatayan.” (Diksiyonaryong Sentinyal ng Wikang Filipino) Kapag tinulungan ng isang doktor ang pasyente niya na mamatay, tinatawag itong physician-assisted suicide.
b Sa Bibliya, ang mga taong binanggit na nagpakamatay ay mga taong hindi gumawi ayon sa kalooban ng Diyos.—2 Samuel 17:23; 1 Hari 16:18; Mateo 27:3-5.