Paanong ang Hain ni Jesus ay Naging “Pantubos Para sa Marami”?
Ang sagot ng Bibliya
Ang hain ni Jesus ang paraan ng Diyos para sagipin, o iligtas, ang sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan. Tinutukoy ng Bibliya ang itinigis na dugo ni Jesus bilang isang pantubos na halaga. (Efeso 1:7; 1 Pedro 1:18, 19) Kaya naman sinabi ni Jesus na pumarito siya para “ibigay ang kaniyang buhay bilang pantubos para sa marami.”—Mateo 20:28, King James Version.
Bakit kailangan ng isang “pantubos para sa marami”?
Ang unang taong si Adan ay nilalang na perpekto, o walang kasalanan. Puwede sana siyang mabuhay nang walang hanggan, pero naiwala niya ito nang piliin niyang sumuway sa Diyos. (Genesis 3:17-19) Nang magkaanak siya, naipasa niya sa kanila ang depekto ng kasalanan. (Roma 5:12) Dahil diyan, sinasabi ng Bibliya na “ipinagbili” ni Adan ang kaniyang sarili at mga anak sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan. (Roma 7:14) Dahil di-sakdal, walang sinuman sa kanila ang makatutubos sa naiwala ni Adan.—Awit 49:7, 8.
Naawa ang Diyos sa mga inapo ni Adan dahil sa kanilang kawalan ng pag-asa. (Juan 3:16) Pero dahil sa pamantayan ng Diyos sa katarungan, hindi niya puwedeng basta palampasin o pagpaumanhinan na lang ang kanilang mga kasalanan nang walang makatuwirang saligan. (Awit 89:14; Roma 3:23-26) Iniibig ng Diyos ang sangkatauhan, kaya inilaan niya ang kinakailangang legal na paraan para lubusang maalis ang kanilang mga kasalanan at hindi lang basta mapatawad. (Roma 5:6-8) Ang legal na saligang iyon ay ang pantubos.
Paano ba gumagana ang pantubos?
Sa Bibliya, sangkot sa terminong “pantubos” ang sumusunod na tatlong elemento:
Ito ay isang kabayaran.—Bilang 3:46, 47.
Ito ay nagdudulot ng paglaya, o katubusan.—Exodo 21:30.
Ito ay katumbas ng halaga ng binabayaran, o pantakip sa halaga ng binabayaran. a
Pansinin kung paano kumakapit ang mga elementong ito sa haing pantubos ni Jesu-Kristo.
Kabayaran. Sinasabi ng Bibliya na ang mga Kristiyano ay “binili ... sa isang halaga.” (1 Corinto 6:20; 7:23) Ang halagang iyon ay ang dugo ni Jesus, na ipinambili niya ng “mga tao para sa Diyos mula sa bawat tribo at wika at bayan at bansa.”—Apocalipsis 5:8, 9.
Paglaya. Ang hain ni Jesus ay naglaan ng “pagpapalaya [mula sa kasalanan] sa pamamagitan ng pantubos.”—1 Corinto 1:30; Colosas 1:14; Hebreo 9:15.
Katumbas. Ang hain ni Jesus ay eksaktong katumbas ng naiwala ni Adan—isang perpektong buhay ng tao. (1 Corinto 15:21, 22, 45, 46) Sinasabi ng Bibliya: “Kung paanong sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao [si Adan] ay marami ang ibinilang na makasalanan, sa gayunding paraan sa pamamagitan ng pagkamasunurin ng isang tao [si Jesu-Kristo] ay marami ang ibibilang na matuwid.” (Roma 5:19) Ipinakikita nito kung paano mababayaran ng kamatayan ng isang tao ang pantubos para sa kasalanan ng marami. Sa katunayan, ang hain ni Jesus ay “katumbas na pantubos para sa lahat” ng gumagawa ng kinakailangang hakbang para makinabang dito.—1 Timoteo 2:5, 6.
a Sa Bibliya, ang orihinal na mga salitang isinaling “pantubos” ay nagpapahiwatig ng halaga, o bagay na may halaga, na ibinabayad. Halimbawa, ang pandiwang Hebreo na ka·pharʹ ay nangangahulugang ‘balutan,’ o takpan. (Genesis 6:14) Kadalasang tumutukoy ito sa pagtatakip sa kasalanan. (Awit 65:3) Ang kaugnay na pangngalang koʹpher ay tumutukoy naman sa halagang ibinabayad para maisagawa ang gayong pagtatakip, o pagtubos. (Exodo 21:30) Sa katulad na paraan, ang salitang Griego na lyʹtron, na kadalasang isinasaling “pantubos,” ay maaari ding isaling “halagang pantubos.” (Mateo 20:28; The New Testament in Modern Speech, ni R. F. Weymouth) Ginamit ng mga Griegong manunulat ang terminong ito para tumukoy sa isang halagang ibinibigay para tubusin ang isang bihag sa digmaan o palayain ang isang alipin.