Ano ang Itinuturo ng Bibliya Tungkol sa Makahimalang Pagsasalita ng mga Wika?
Ang sagot ng Bibliya
Ang ‘pagsasalita ng mga wika’ ay tumutukoy sa makahimalang kakayahan ng ilang unang Kristiyano na nakapagsalita ng ibang wika kahit hindi nila ito pinag-aralan. (Gawa 10:46) Ang tagapagsalita ay naintindihan ng mga nagsasalita ng wikang iyon. (Gawa 2:4-8) Ang pagsasalita ng mga wika ay isa sa mga kaloob ng banal na espiritu na ibinigay ng Diyos sa ilang unang-siglong Kristiyano.—Hebreo 2:4; 1 Corinto 12:4, 30.
Saan at kailan nag-umpisa ang makahimalang pagsasalita ng mga wika?
Unang nangyari ang himalang ito sa Jerusalem noong umaga ng Judiong Kapistahan ng Pentecostes, 33 C.E. Mga 120 alagad ni Jesus ang nagkakatipon nang “silang lahat ay napuspos ng banal na espiritu at nagsimulang magsalita ng iba’t ibang wika.” (Gawa 1:15; 2:1-4) Isang malaking grupo ng mga tao “mula sa bawat bansa na nasa silong ng langit” ang nagtipon, at “narinig ng bawat isa na nagsasalita [ang mga Kristiyano] sa kaniyang sariling wika.”—Gawa 2:5, 6.
Para saan ang makahimalang pagsasalita ng mga wika?
Para ipakitang sinusuportahan ng Diyos ang mga Kristiyano. Noon, nagbigay ang Diyos ng makahimalang mga tanda para patunayang sinusuportahan niya ang mga tapat na lingkod niya, gaya ni Moises. (Exodo 4:1-9, 29-31; Bilang 17:10) Ganiyan din ang layunin ng pagsasalita ng mga wika—para ipakitang sinusuportahan ng Diyos ang bagong-tatag na kongregasyong Kristiyano. Sumulat si apostol Pablo: “Ang mga wika ay isang tanda, hindi sa mga mananampalataya, kundi sa mga di-sumasampalataya.”—1 Corinto 14:22.
Para lubusang makapagpatotoo ang mga Kristiyano. Ganito ang sinabi ng mga nakarinig sa mga tagasunod ni Jesus noong Pentecostes: “Naririnig natin silang nagsasalita sa ating mga wika tungkol sa mariringal na mga bagay ng Diyos.” (Gawa 2:11) Kaya ang isa pang mahalagang layunin ng himalang ito ay para ‘lubusang makapagpatotoo’ ang mga Kristiyano at makagawa sila ng “mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa,” gaya ng iniutos ni Jesus. (Gawa 10:42; Mateo 28:19) Nang araw ding iyon, mga 3,000 na nakasaksi sa himala at nakarinig sa mensahe ang naging alagad.—Gawa 2:41.
Magpapatuloy ba ang makahimalang pagsasalita ng mga wika?
Hindi. Ang mga kaloob ng banal na espiritu, kasama na ang pagsasalita ng mga wika, ay pansamantalang paglalaan lang. Inihula ng Bibliya: “Kahit may mga kaloob na panghuhula, ang mga ito ay aalisin; kahit may mga wika man, ang mga ito ay maglalaho.”—1 Corinto 13:8.
Kailan natapos ang makahimalang pagsasalita ng mga wika?
Ang mga kaloob ng banal na espiritu ay karaniwan nang ipinapasa sa ibang Kristiyano habang naroroon ang mga apostol. Kadalasan, ipinapatong ng mga apostol ang kanilang kamay sa kapuwa mananampalataya. (Gawa 8:18; 10:44-46) Lumilitaw na hindi naipapasa ng mga nakatanggap ng kaloob ng espiritu mula sa mga apostol ang kaloob na ito sa iba. (Gawa 8:5-7, 14-17) Bilang paglalarawan, ang isang opisyal ng pamahalaan ay puwedeng magbigay ng driver’s license sa isang tao, pero walang legal na awtoridad ang taong iyon para magbigay ng driver’s license sa iba. Lumilitaw na ang makahimalang pagsasalita ng mga wika ay naglaho, o natapos, nang mamatay ang mga apostol at ang mga nakatanggap ng kaloob na ito mula sa kanila.
Paano naman ang mga taong makahimalang nakapagsasalita ng mga wika ngayon?
Maliwanag na nagwakas ang makahimalang kaloob na pagsasalita ng mga wika noong papatapos na ang unang siglo C.E. Kaya hindi puwedeng angkinin ng sinuman sa ngayon na nakakapagsalita siya ng mga wika sa tulong ng kapangyarihan ng Diyos. a
Paano makikilala ang mga tunay na Kristiyano?
Sinabi ni Jesus na mapagsakripisyong pag-ibig ang pagkakakilanlan ng kaniyang mga alagad. (Juan 13:34, 35) Itinuro din ni apostol Pablo na pag-ibig ang magiging permanenteng pagkakakilanlan ng mga tunay na Kristiyano. (1 Corinto 13:1, 8) Sinabi niya na sa tulong ng espiritu ng Diyos, ang mga Kristiyano ay makapagpapakita ng mga katangiang tinatawag na “bunga ng espiritu.” Ang una sa mga katangiang ito ay pag-ibig.—Galacia 5:22, 23.
a Tingnan ang artikulong “Pagsasalita ng mga Wika—Mula ba Ito sa Diyos?”