Masama Bang Magsugal?
Ang sagot ng Bibliya
Bagaman hindi detalyadong tinatalakay sa Bibliya ang pagsusugal, mauunawaan natin mula sa mga simulain ng Bibliya na masama ito sa paningin ng Diyos.—Efeso 5:17. a
Ang pagsusugal ay udyok ng kasakiman, na kinapopootan ng Diyos. (1 Corinto 6:9, 10; Efeso 5:3, 5) Gusto ng mga nagsusugal na matalo ang kalaban para magkapera, pero sinasaway ng Bibliya ang mga mapag-imbot, o naghahangad na makuha ang pag-aari ng iba.—Exodo 20:17; Roma 7:7; 13:9, 10.
Ang pagsusugal, kahit para sa maliit na halaga, ay pumupukaw ng nakamamatay na pag-ibig sa salapi.—1 Timoteo 6:9, 10.
Ang mga nagsusugal ay madalas na umaasa sa mga pamahiin o suwerte. Pero sa pananaw ng Diyos, ang gayong paniniwala ay isang uri ng pagsamba sa mga idolo, na salungat sa pagsamba sa Diyos.—Isaias 65:11.
Sa halip na itaguyod ang pagnanasang magkapera nang hindi pinaghirapan, hinihimok tayo ng Bibliya na magtrabaho nang masikap. (Eclesiastes 2:24; Efeso 4:28) Ang mga sumusunod sa payo ng Bibliya ay ‘kakain ng pagkain na kanila mismong pinagpagalan,’ o pinaghirapan.—2 Tesalonica 3:10, 12.
Maaaring pukawin ng pagsusugal ang nakapipinsalang espiritu ng pagpapaligsahan, na di-sinasang-ayunan ng Bibliya.—Galacia 5:26.
a Ang pagsusugal ay espesipikong binanggit sa Bibliya may kaugnayan lang sa mga sundalong Romano na nagpalabunutan, o “nagsugal,” para sa kasuotan ni Jesus.—Mateo 27:35; Juan 19:23, 24; Contemporary English Version; Good News Translation.