May Pagkakasalungatan ba sa Bibliya?
Ang sagot ng Bibliya
Wala. Ang nilalaman ng buong Bibliya ay magkakasuwato. Kapag parang nagkakasalungatan ang ilang teksto sa Bibliya, karaniwan nang maiintindihan ito nang tama kung gagamitin ang isa o higit pa sa sumusunod na paraan:
Tingnan ang konteksto. Anumang sabihin ng isang awtor ay magmumukhang nagkokontrahan kung uunawain ang kaniyang mga salita nang hindi ayon sa konteksto.
Isaalang-alang ang punto de vista ng manunulat. Maaaring ilarawan nang tumpak ng mga saksi ang isang pangyayari nang hindi gumagamit ng parehong mga salita o detalye.
Isaalang-alang ang mga ulat ng kasaysayan at kaugalian.
Alamin kung ang isang salita ay ginamit nang makasagisag o literal.
Tandaan na ang isang pagkilos ay maaaring ipatungkol sa isang tao kahit hindi siya ang mismong gumawa nito. a
Gumamit ng tumpak na salin ng Bibliya.
Huwag piliting itugma ang sinasabi ng Bibliya sa maling relihiyosong paniniwala o doktrina.
Ipinakikita ng sumusunod na mga halimbawa kung paano makatutulong ang mga paraang ito para maunawaan ang ilang teksto sa Bibliya na mukhang nagkakasalungatan.
Paraan 1: Konteksto
Kung ang Diyos ay nagpahinga noong ikapitong araw, bakit sinasabing patuloy siyang gumagawa? Sinasabi ng Genesis sa ulat nito tungkol sa paglalang na ang Diyos ay “nagpasimulang magpahinga noong ikapitong araw mula sa lahat ng kaniyang gawain na ginawa niya.” Ipinakikita ng konteksto na ang gawaing ito ay espesipikong tumutukoy sa kaniyang pisikal na paglalang may kinalaman sa lupa. (Genesis 2:2-4) Hindi ito kinontra ni Jesus nang sabihin niya na ang Diyos ay “patuloy na gumagawa hanggang ngayon.” (Juan 5:17) Ang tinutukoy niya rito ay ang iba pang mga gawa ng Diyos. Kasama rito ang pagpatnubay sa pagsusulat ng Bibliya at ang pangangalaga sa mga tao.—Awit 20:6; 105:5; 2 Pedro 1:21.
Paraan 2 at 3: Punto de vista at kasaysayan
Saan pinagaling ni Jesus ang lalaking bulag? Ayon sa aklat ng Lucas, pinagaling ni Jesus ang isang bulag na lalaki “habang papalapit [si Jesus] sa Jerico.” Samantalang sa katulad na ulat ni Mateo, binanggit na dalawang lalaking bulag ang pinagaling ni Jesus “habang papalabas [siya] mula sa Jerico.” (Lucas 18:35-43; Mateo 20:29-34) Isinulat ang dalawang ulat na ito mula sa magkaibang punto de vista, at bawat isa ay may mga detalye na hindi binanggit sa isa. Mas espesipiko ang ulat ni Mateo kung tungkol sa bilang ng mga lalaki. Si Lucas naman ay nagpokus sa isang lalaki na kinausap ni Jesus. Kung tungkol naman sa lokasyon, natuklasan ng mga arkeologo na noong panahon ni Jesus, dalawa ang lunsod ng Jerico. Ang lumang Judiong lunsod ay mga isa’t kalahating kilometro ang layo mula sa mas bagong Romanong lunsod. Maaaring nasa pagitan ng dalawang lunsod na ito si Jesus nang gawin niya ang himalang iyon.
Paraan 4: Makasagisag at literal na gamit ng salita
Mawawasak ba ang lupa? Sinasabi ng Bibliya sa Eclesiastes 1:4 na “ang lupa ay nananatili maging hanggang sa panahong walang takda.” Para sa ilan, salungat ito sa sinasabi ng Bibliya na “ang mga elemento ay mawawasak ng apoy—kasama na ang lupa.” (2 Pedro 3:10, Beck) Pero sa Bibliya, ang salitang “lupa” ay ginagamit nang literal na tumutukoy sa ating planeta, at makasagisag na tumutukoy sa mga taong nakatira dito. (Genesis 1:1; 11:1) Ang pagkawasak ng “lupa” na inilalarawan sa 2 Pedro 3:10 ay tumutukoy, hindi sa pagtupok sa ating planeta, kundi sa ‘pagpuksa sa mga taong di-makadiyos.’—2 Pedro 3:7.
Paraan 5: Pagkilos ng isa na ipinatungkol sa iba
Sa Capernaum, sino ang naghatid ng kahilingan ng senturyon kay Jesus? Sinasabi ng Mateo 8:5, 6 na ang senturyon (opisyal ng hukbo) mismo ang lumapit kay Jesus, samantalang sinasabi naman ng Lucas 7:3 na nagsugo ang senturyon ng matatandang lalaki ng mga Judio para sabihin ang kaniyang kahilingan. Ang mga tekstong ito na parang nagkakasalungatan ay nagpapahiwatig na ang opisyal ng hukbo ang gumawa ng kahilingan, pero ipinadala niya ang matatandang lalaki bilang kaniyang kinatawan.
Paraan 6: Tumpak na salin
Lahat ba tayo ay nagkakasala? Itinuturo ng Bibliya na lahat tayo ay nagmana ng kasalanan mula sa unang tao, si Adan. (Roma 5:12) Parang salungat ito sa ilang salin ng Bibliya na nagsasabing ang isang mabuting tao ay “hindi gumagawa ng kasalanan” o “hindi nagkakasala.” (1 Juan 3:6, The Bible in Basic English; King James Version) Pero sa orihinal na wika, ang pandiwang Griego na ginamit para sa “kasalanan” sa 1 Juan 3:6 ay nasa panahunang pangkasalukuyan, na sa wikang iyon ay karaniwan nang nagpapahiwatig ng tuloy-tuloy na pagkilos. May pagkakaiba ang minanang kasalanan, na hindi natin maiiwasan, at ang sinasadya at patuloy na paglabag sa kautusan ng Diyos. Kaya nilinaw ng ilang salin ang parang pagkakasalungatang ito sa pamamagitan ng paggamit ng tumpak na mga pariralang “hindi namimihasa sa kasalanan” o “hindi palagiang gumagawa ng kasalanan.”—Bagong Sanlibutang Salin; Phillips.
Paraan 7: Bibliya, hindi doktrina
Si Jesus ba ay kapantay ng Diyos o mas mababa sa Diyos? Minsan ay sinabi ni Jesus: “Ako at ang Ama ay iisa,” na parang salungat sa sinabi niya na “ang Ama ay mas dakila kaysa sa akin.” (Juan 10:30; 14:28) Para maintindihan nang tama ang mga tekstong ito, dapat nating suriin ang talagang sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jehova at kay Jesus, sa halip na piliting itugma ang mga tekstong ito sa doktrina ng Trinidad, na hindi nakasalig sa Bibliya. Ipinakikita ng Bibliya na si Jehova ay hindi lang Ama ni Jesus, Siya rin ang Diyos ni Jesus, ang sinasamba mismo ni Jesus. (Mateo 4:10; Marcos 15:34; Juan 17:3; 20:17; 2 Corinto 1:3) Si Jesus ay hindi kapantay ng Diyos.
Sinabi ni Jesus: “Ako at ang Ama ay iisa.” Ipinakikita ng konteksto nito na ang tinutukoy ni Jesus ay ang pagiging isa nila sa layunin ng kaniyang Ama, ang Diyos na Jehova. Sinabi pa ni Jesus nang maglaon: “Ang Ama ay kaisa ko at ako ay kaisa ng Ama.” (Juan 10:38) Kaisa rin ni Jesus sa layuning ito ang kaniyang mga tagasunod. Makikita ito sa panalangin niya sa Diyos tungkol sa kanila: “Ibinigay ko sa kanila ang kaluwalhatian na ibinigay mo sa akin, upang sila ay maging isa kung paanong tayo ay iisa. Ako ay kaisa nila at ikaw ay kaisa ko.”—Juan 17:22, 23.
a Halimbawa, sinasabi ng Encyclopædia Britannica tungkol sa Taj Mahal na “ito ay itinayo ng emperador ng Mughal na si Shah Jahān.” Pero hindi siya ang mismong nagtayo nito, dahil idinagdag pa ng artikulo na “kumuha ng mahigit 20,000 manggagawa” sa pagtatayo nito.