Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Pag-aasawa?
Ang sagot ng Bibliya
Nang lalangin ng Diyos ang unang lalaki at babae, pinagsama niya sila bilang mag-asawa. Pinasimulan niya ang pag-aasawa bilang espesyal na ugnayan ng isang lalaki at isang babae para maging pundasyon ng pamilya.—Genesis 1:27, 28; 2:18.
Gusto ng Diyos na maging masaya ang mga mag-asawa. (Kawikaan 5:18) Sa Bibliya, nagbibigay siya ng mga pamantayan at prinsipyo na makakatulong para maging masaya ang pagsasama ng mag-asawa.
Sa artikulong ito
Ano ang mga pamantayan ng Diyos sa pag-aasawa?
Sa umpisa pa lang, dinisenyo na ng Diyos ang pag-aasawa bilang pagsasama ng isang lalaki at isang babae. (Genesis 2:24) Ayaw ng Diyos ng poligamya o pagkakaroon ng higit sa isang asawa, homoseksuwalidad, o pagli-live-in. (1 Corinto 6:9; 1 Tesalonica 4:3) Tinuruan ni Jesus ang mga tagasunod niya na sundin ang orihinal na pamantayan ng Diyos sa pag-aasawa.—Marcos 10:6-8.
Para sa Diyos, permanente ang pag-aasawa. Kapag ikinakasal ang isang lalaki at isang babae, nangangako silang magiging tapat sila sa isa’t isa at magsasama habambuhay. At inaasahan ng Diyos na tutuparin nila ang pangakong iyan.—Marcos 10:9.
Paano naman ang tungkol sa paghihiwalay at diborsiyo?
May mga panahong hindi maiiwasang magkahiwalay ng mag-asawa, gaya ng kapag kailangang bumiyahe ang isa dahil may emergency sa pamilya. Pero hindi ipinapayo ng Bibliya ang paghihiwalay dahil sa mga problemang pangmag-asawa. Sa halip, pinapayuhan nito ang mag-asawa na ayusin ang problema.—1 Corinto 7:10.
Ang pangangalunya lang ang makakasulatang basehan para sa diborsiyo. (Mateo 19:9) Kaya kung hindi pangangalunya ang dahilan ng paghihiwalay o pagdidiborsiyo ng mag-asawa, pareho silang hindi malayang makipagligawan o mag-asawang muli gaya ng sinasabi sa Bibliya.—Mateo 5:32; 1 Corinto 7:11.
Kailangan bang legal na nakarehistro ang kasal para sang-ayunan ito ng Diyos?
Inaasahan ng Diyos na susunod ang mga Kristiyano sa mga batas ng gobyerno tungkol sa pag-aasawa. (Tito 3:1) Kung posibleng iparehistro ng mag-asawa ang kasal nila, at ginawa nga nila iyon, ipinapakita nilang nirerespeto nila ang sekular na awtoridad at ang pamantayan ng Diyos na ang pag-aasawa ay permanente. a
Anong papel at responsibilidad ang ibinigay ng Bibliya sa asawang lalaki at asawang babae?
Responsibilidad ng mag-asawa. Dapat mahalin at igalang ng mag-asawa ang isa’t isa. (Efeso 5:33) Dapat nilang ibigay ang seksuwal na pangangailangan ng isa’t isa sa mapagmahal na paraan at iwasan ang anumang kawalang-katapatan. (1 Corinto 7:3; Hebreo 13:4) Kung may mga anak sila, responsibilidad nilang dalawa na palakihin ang mga ito.—Kawikaan 6:20.
Hindi detalyadong ipinapaliwanag ng Bibliya kung paano paghahatian ng mag-asawa ang sekular na trabaho at mga gawaing-bahay. Sila ang magpapasiya kung ano ang pinakamabuti para sa pamilya nila.
Ang papel ng asawang lalaki. Sinasabi ng Bibliya na “ang asawang lalaki ang ulo ng kaniyang asawang babae.” (Efeso 5:23) Siya ang ulo, sa paraang siya ang gagabay sa pamilya niya at gagawa ng mga desisyon para sa ikabubuti ng asawa niya at ng mga anak nila.
Dapat niyang siguraduhin na nailalaan ang pisikal, emosyonal, at espirituwal na pangangailangan nila. (1 Timoteo 5:8) Maipapakita niyang pinapahalagahan niya ang mga katangian at kakayahan ng asawa niya kung gagawa silang magkasama at kung isasaalang-alang niya ang opinyon at damdamin nito kapag gumagawa siya ng mga desisyon. (Kawikaan 31:11, 28) Sinasabi ng Bibliya na dapat gampanan ng asawang lalaki ang mga responsibilidad niya sa mapagmahal na paraan.—Colosas 3:19.
Ang papel ng asawang babae. Sinasabi ng Bibliya na ang asawang babae ay “dapat magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.” (Efeso 5:33) Natutuwa ang Diyos kapag nirerespeto ng asawang babae ang papel na ibinigay Niya sa asawang lalaki.
Papel ng asawang babae na tulungan ang asawang lalaki na makagawa ng matatalinong desisyon at suportahan ang pagkaulo nito. (Genesis 2:18) Pinupuri ng Bibliya ang asawang babae na gumaganap sa mahalagang papel niya sa pag-aasawa.—Kawikaan 31:10.
Sinasabi ba ng Diyos na dapat magkaanak ang mga mag-asawa sa ngayon?
Hindi. Inutusan ng Diyos ang ilang mananamba niya noon na magkaroon ng mga anak. (Genesis 1:28; 9:1) Pero hindi na iyan ipinag-uutos sa mga Kristiyano ngayon. Kahit kailan, hindi inutusan ni Jesus ang mga tagasunod niya na magkaroon ng mga anak. Hindi rin sinasabi ng mga alagad niya noon na dapat magkaroon ng mga anak ang mga mag-asawa. Depende sa mga mag-asawa kung magpapasiya silang magkaroon ng mga anak o hindi.
Paano makakatulong ang Bibliya sa aming mag-asawa?
May mga prinsipyo sa Bibliya na makakatulong sa mag-asawa para maging maganda ang simula ng pagsasama nila. Makakatulong din ang mga prinsipyo sa Bibliya para maiwasan o maharap ang mga problema sa pag-aasawa.
Matutulungan ng mga prinsipyo sa Bibliya ang mga mag-asawa na . . .
magpakita ng tunay na pag-ibig.—1 Corinto 13:4-7; Colosas 3:14.
a Para sa higit pang impormasyon sa pananaw ng Bibliya tungkol sa kasal ayon sa kaugalian sa isang lugar o tribo, tingnan ang Bantayan, Oktubre 15, 2006, pahina 21, parapo 12.