Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Pagbibigay ng Ikapu?
Ang sagot ng Bibliya
Para suportahan ang tunay na pagsamba, inutusan ang sinaunang Israel na magbigay ng ikapu, a o ikasampu, ng taunang kita nila. Sinabi sa kanila ng Diyos: “Taon-taon, dapat kayong magbigay ng ikasampu [o, “ikapu,” talababa] ng lahat ng ani mula sa binhing itinanim sa inyong bukid.”—Deuteronomio 14:22.
Ang utos na magbigay ng ikapu ay bahagi ng Kautusang Mosaiko, isang kautusan na ibinigay ng Diyos sa sinaunang Israel. Wala na sa ilalim ng Kautusang Mosaiko ang mga Kristiyano kaya hindi na sila kailangang magbigay ng ikapu. (Colosas 2:13, 14) Sa halip, ang bawat Kristiyano ay magbibigay “nang mula sa puso, hindi mabigat sa loob o napipilitan, dahil mahal ng Diyos ang masayang nagbibigay.”—2 Corinto 9:7.
Pagbibigay ng Ikapu sa Bibliya—“Lumang Tipan”
Maraming beses na binanggit ang pagbibigay ng ikapu sa bahagi ng Bibliya na tinatawag ng karamihan na Lumang Tipan. Binanggit ang karamihan sa mga ito pagkatapos ibigay sa Israel ang Kautusan (Kautusang Mosaiko) sa pamamagitan ni Moises. Pero may ilan na binanggit bago pa nito.
Bago ang Kautusang Mosaiko
Ang pinakaunang taong iniulat na nagbigay ng ikapu ay si Abram (Abraham). (Genesis 14:18-20; Hebreo 7:4) Nagbigay si Abram ng ikapu bilang regalo sa haring-saserdote ng Salem. Lumilitaw na isang beses lang niya ito ginawa; walang ulat sa Bibliya na nagbigay ulit ng ikapu si Abraham o ang mga anak niya.
Ang ikalawang taong iniulat sa Bibliya na nagbigay ng ikapu ay ang apo ni Abraham na si Jacob. Ipinangako niya na kung pagpapalain siya ng Diyos, ibibigay niya sa Diyos ang “ikasampu ng lahat” ng natanggap niya. (Genesis 28:20-22) Ayon sa ilang iskolar ng Bibliya, malamang na ibinigay ni Jacob ang ikapung ito sa pamamagitan ng paghahandog ng mga hayop. Tinupad ni Jacob ang panata niya, pero hindi niya pinilit ang pamilya niya na magbigay ng ikapu.
Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko
Inutusan ang sinaunang Israel na magbigay ng ikapu para masuportahan ang mga relihiyosong gawain nila.
Ginamit ang ikapu para suportahan ang mga buong panahong nagsasagawa ng iba’t ibang gawain para sa pagsamba—ang mga Levita, kasama na ang mga saserdote—na walang sariling lupa na sasakahin. (Bilang 18:20, 21) Ang mga Levita na hindi saserdote ay nakakatanggap ng ikapu mula sa mga tao, at “mula sa ikasampung bahaging iyon,” ibinibigay nila ang pinakamainam na “ikasampung bahagi” sa mga saserdote.—Bilang 18:26-29.
Lumilitaw na may ikalawang taunang ikapu na ibinibigay ang mga Israelita, at nakikinabang dito ang mga Levita at mga di-Levita. (Deuteronomio 14:22, 23) Ginamit ito ng mga Israelita para sa mga espesyal na kapistahan, at may mga taon na ginagamit ito para tulungan ang mahihirap.—Deuteronomio 14:28, 29; 26:12.
Paano kinakalkula ang ikapu? Nagtatabi ang mga Israelita ng ikasampung bahagi ng ani nila taon-taon. (Levitico 27:30) Kung pera ang ibibigay nila imbes na ani, kailangan nilang dagdagan ang halagang ibibigay nila ng 20 porsiyento. (Levitico 27:31) Iniutos din sa kanila na magbigay ng “ikasampung bahagi ng bakahan at kawan.”—Levitico 27:32.
Para sa ikapu ng mga alagang hayop, ibibigay ng mga Israelita ang bawat ikasampung hayop na lalabas sa kulungan. Sinasabi ng Kautusan na hindi nila puwedeng suriin o palitan ang mga napiling hayop, at hindi rin puwedeng pera ang ipambayad nila kapalit ng mga hayop. (Levitico 27:32, 33) Pero para sa ikalawang ikapu na ginagamit sa mga taunang kapistahan, puwedeng pera ang ipambayad. Mas kumbinyente ito para sa mga Israelita na kailangang maglakbay nang malayo para dumalo sa mga kapistahan.—Deuteronomio 14:25, 26.
Kailan nagbibigay ng ikapu ang mga Israelita? Nagbibigay sila ng ikapu taon-taon. (Deuteronomio 14:22) Pero hindi sila nagbibigay tuwing ikapitong taon. Ang taóng iyon ay sabbath, isang taon ng pahinga, kaya hindi magtatanim ang mga Israelita. (Levitico 25:4, 5) Dahil dito, walang kokolektahing ikapu sa panahon ng pag-aani. Sa bawat ikatlo at ikaanim na taon ng pitong-taóng siklo ng Sabbath, ibibigay ng mga Israelita ang ikalawang ikapu sa mahihirap at sa mga Levita.—Deuteronomio 14:28, 29.
Ano ang parusa kapag hindi nakapagbigay ng ikapu ang isang tao? Walang binanggit na parusa sa Kautusang Mosaiko para sa hindi nakapagbigay ng ikapu. Nagbibigay ng ikapu ang mga Israelita, hindi dahil natatakot sila na maparusahan, kundi dahil alam nilang ito ang tamang gawin. Sasabihin nila sa Diyos na nakapagbigay sila ng ikapu at hihingi sa Diyos ng pagpapala dahil dito. (Deuteronomio 26:12-15) Para sa Diyos, ang hindi pagbibigay ng ikapu ay pagnanakaw sa kaniya.—Malakias 3:8, 9.
Pabigat ba ang pagbibigay ng ikapu? Hindi. Ipinangako ng Diyos na kapag nagbigay sila ng ikapu, ibubuhos niya sa kanila ang pagpapala hanggang sa wala nang kakulangan. (Malakias 3:10) Pero kapag hindi nagbibigay ng ikapu ang bayan, nagdurusa sila. Hindi sila pinagpapala ng Diyos, at dahil napapabayaan nila ang mga saserdote at mga Levita, hindi sila nakikinabang sa paglilingkod ng mga ito.—Nehemias 13:10; Malakias 3:7.
Pagbibigay ng Ikapu sa Bibliya—“Bagong Tipan”
Noong nabubuhay si Jesus sa lupa, kailangan pa ring magbigay ng ikapu ang mga mananamba ng Diyos. Pero inalis ito pagkamatay ni Jesus.
Noong panahon ni Jesus
Sa bahagi ng Bibliya na tinatawag ng marami na Bagong Tipan, ipinapakita na nagbibigay pa rin ng ikapu ang mga Israelita noong nabubuhay si Jesus sa lupa. Sinabi niya na kailangan ang pagbibigay ng ikapu, pero kinondena niya ang mga relihiyosong lider na istrikto sa pagbabayad ng ikapu pero “binabale-wala . . . ang mas mahahalagang bagay sa Kautusan: ang katarungan at awa at katapatan.”—Mateo 23:23.
Pagkamatay ni Jesus
Hindi na kahilingan ang pagbabayad ng ikapu pagkamatay ni Jesus. Inalis ng kamatayan ni Jesus ang Kautusang Mosaiko, kasama na ang utos na “mangolekta ng ikapu.”—Hebreo 7:5, 18; Efeso 2:13-15; Colosas 2:13, 14.
a Ang ikapu ay “ang ikasampung bahagi ng kita ng isang tao na itinabi para sa isang espesipikong layunin. . . . Sa Bibliya, madalas itong ginagamit may kaugnayan sa pagsamba.”—Harper’s Bible Dictionary, pahina 765.