Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Pornograpya? Masama ba ang Cybersex?
Ang sagot ng Bibliya
Hindi tuwirang binabanggit ng Bibliya ang pornograpya, cybersex, o iba pang gawaing tulad nito. Pero malinaw ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa nadarama ng Diyos sa mga gawaing pumupukaw ng seksuwal na pagnanasa sa hindi asawa o nagtataguyod ng baluktot na pananaw sa sex. Isaalang-alang ang mga talatang ito ng Bibliya:
“Patayin ninyo, kung gayon, ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa may kinalaman sa pakikiapid, karumihan, pita sa sekso.” (Colosas 3:5) Sa halip na patayin ang maling mga pagnanasa, pinaaalab pa ito ng panonood o pagtingin sa pornograpya. Ang isa na nanonood o tumitingin sa pornograpya ay nagiging marumi sa paningin ng Diyos.
“Ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nangalunya na sa kaniya sa kaniyang puso.” (Mateo 5:28) Ang malalaswang larawan ay pumupukaw ng maruruming kaisipan na umaakay sa isa na gumawa ng mali.
“Ang pakikiapid at bawat uri ng karumihan o kasakiman ay huwag man lamang mabanggit sa gitna ninyo.” (Efeso 5:3) Hindi natin dapat banggitin man lang ang tungkol sa seksuwal na imoralidad bilang katuwaan, kaya lalo nang mali na manood o magbasa nito.
“Ang mga gawa ng laman ay hayag, at ang mga ito ay pakikiapid, karumihan, ... at mga bagay na tulad ng mga ito. Tungkol sa mga bagay na ito ay patiuna ko kayong binababalaan, kung paanong patiuna ko kayong binabalaan, na yaong mga nagsasagawa ng gayong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” (Galacia 5:19-21) Sa paningin ng Diyos, ang mga tumitingin, nanonood, o nagbabasa ng pornograpya o nasasangkot sa cybersex, phone sex, o sexting ay marumi o imoral. Kung nakagawian natin ang mga ito, maiwawala natin ang pagsang-ayon ng Diyos.