Sino ang Naging Asawa ni Cain?
Ang sagot ng Bibliya
Napangasawa ni Cain, ang panganay na anak ng unang mag-asawa, ang isa sa kaniyang mga kapatid na babae o isang malapit na kamag-anak. Ito ang maiisip natin kapag isinaalang-alang natin ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay Cain at sa kaniyang pamilya.
Mga katotohanan tungkol kay Cain at sa kaniyang pamilya
Lahat ng tao ay nagmula kina Adan at Eva. “Ginawa [ng Diyos] mula sa isang tao [si Adan] ang bawat bansa ng mga tao, upang tumahan sa ibabaw ng buong lupa.” (Gawa 17:26) Si Eva, na asawa ni Adan, ay naging “ina ng lahat ng nabubuhay.” (Genesis 3:20) Kaya malamang na nagmula rin kina Adan at Eva ang naging asawa ni Cain.
Si Cain at ang kapatid niyang si Abel ay una sa naging mga anak ni Eva. (Genesis 4:1, 2) Nang palayasin si Cain dahil pinatay niya ang kaniyang kapatid, nagreklamo siya: “Tiyak na papatayin ako ng sinumang makasumpong sa akin.” (Genesis 4:14) Sino ang kinatatakutan ni Cain? Sinasabi ng Bibliya na si Adan ay “nagkaanak ... ng mga lalaki at mga babae.” (Genesis 5:4) Maliwanag, maaaring naging banta sa buhay ni Cain ang iba pang mga inapo nina Adan at Eva.
Noong una, karaniwan na ang pag-aasawa ng isang kamag-anak. Halimbawa, napangasawa ng tapat na lalaking si Abraham ang kaniyang kapatid sa ama. (Genesis 20:12) Unang ipinagbawal ang gayong pag-aasawa sa Kautusang Mosaiko, na isinulat mga dantaon makalipas ang panahon ni Cain. (Levitico 18:9, 12, 13) Maaaring hindi gaanong nagkaroon ng depekto sa henetika sa mga anak ng malapit na magkamag-anak gaya ng sa ngayon.
Iniuulat ng Bibliya ang tungkol kina Adan, Eva, at sa kanilang pamilya bilang tumpak na kasaysayan. Makikita ang detalyadong mga talaangkanan mula kay Adan hindi lamang sa aklat ng Genesis, na isinulat ni Moises, kundi sa mga isinulat din ng mga istoryador na sina Ezra at Lucas. (Genesis 5:3-5; 1 Cronica 1:1-4; Lucas 3:38) Binabanggit ng mga manunulat ng Bibliya ang kuwento ni Cain bilang isang makasaysayang pangyayari.—Hebreo 11:4; 1 Juan 3:12; Judas 11.