Sino ang “Tatlong Pantas na Lalaki”? Sinundan Ba Nila ang “Bituin” ng Betlehem?
Ang sagot ng Bibliya
Di-gaya ng kaugalian sa Pasko, hindi ginamit ng Bibliya ang mga terminong “tatlong pantas na lalaki” o “tatlong hari” para ilarawan ang mga manlalakbay na bumisita kay Jesus matapos siyang maipanganak. (Mateo 2:1) Sa halip, ginamit ni Mateo, isang manunulat ng Ebanghelyo, ang Griegong salita na ma’goi para ilarawan sila. Ang salitang ito ay tumutukoy sa mga dalubhasa sa astrolohiya at okultismo. a Tinawag naman sila ng ilang salin ng Bibliya na “mga astrologo” o “magi.” b
Ilan ang “Pantas na lalaki”?
Hindi mababasa sa Bibliya kung ilan sila, at iba-iba rin ang paniniwala ng mga tao. Ayon sa Encyclopedia Britannica: “Sa tradisyon sa Silangan, 12 ang mago. Pero sa tradisyon sa Kanluran, tatlo sila, malamang na batay ito sa tatlong regalo na ‘ginto, olibano, at mira’ (Mateo 2:11) na ibinigay sa bata.”
Ang “mga Pantas na lalaki” ba ay mga hari?
Madalas na ganiyan ang ipinalalabas ng mga kaugalian sa Pasko, pero walang mababasa sa Bibliya na mga hari sila. Sinabi ng Encyclopedia Britannica na sa paglipas ng ilang daang taon, idinagdag na lang ito “para pagandahin ang kuwento.”
Ano ang pangalan ng “mga Pantas na lalaki”?
Hindi sinabi ng Bibliya ang mga pangalan nila. Ayon sa The International Standard Bible Encyclopedia, “ang pagbibigay ng pangalan sa kanila (gaya ng Gaspar, Melchor, at Baltazar) ay batay sa mga alamat.”
Kailan binisita ng “mga Pantas na lalaki” si Jesus?
Lumilitaw na bumisita ang mga astrologo kay Jesus mga ilang buwan pa matapos siyang maipanganak. Paano natin natiyak? Gustong patayin ni Haring Herodes si Jesus. Kaya nang malaman niya sa mga astrologo ang edad ng bata, ipinapatay niya ang mga batang dalawang taóng gulang pababa.—Mateo 2:16.
Hindi noong gabing ipanganak si Jesus bumisita ang mga astrologo. Sinasabi ng Bibliya: “Pagpasok nila sa bahay, nakita nila ang bata kasama ang ina nitong si Maria.” (Mateo 2:11) Ipinapakita nito na nang bumisita sila, ang pamilya ni Jesus ay nakatira na sa isang bahay, at si Jesus ay hindi na isang sanggol sa sabsaban.—Lucas 2:15, 16.
Ginamit ba ng Diyos ang “bituin” ng Betlehem para akayin ang “mga Pantas na lalaki”?
Naniniwala ang ilang tao na Diyos ang nagpadala ng “bituin” ng Betlehem para akayin ang mga astrologo kay Jesus. Bakit mali ang paniniwalang iyan?
Inakay muna ng sinasabing bituin ang mga astrologo sa Jerusalem. Sinabi ng Bibliya: “Ang mga astrologo mula sa Silangan ay dumating sa Jerusalem, at nagsabi: ‘Nasaan ang ipinanganak na hari ng mga Judio? Nakita kasi namin ang bituin niya noong nasa Silangan kami, at nagpunta kami rito para magbigay-galang sa kaniya.’”—Mateo 2:1, 2.
Si Haring Herodes, hindi ang “bituin,” ang unang nagpapunta sa mga astrologo sa Betlehem. Nang mabalitaan niya ang tungkol sa magiging karibal niyang “hari ng mga Judio,” nag-imbestiga siya kung saan ipapanganak ang ipinangakong Kristo. (Mateo 2:3-6) Nang malaman niyang sa Betlehem, pinapunta niya roon ang mga astrologo para hanapin ang bata, at inutusan silang bumalik para mag-ulat sa kaniya.
Saka lang pumunta ang mga astrologo sa Betlehem. Sinasabi ng Bibliya: “Pagkarinig sa bilin ng hari, umalis na sila, at ang bituing nakita nila noong naroon sila sa Silangan ay nauna sa kanila hanggang sa huminto ito sa itaas ng kinaroroonan ng bata.”—Mateo 2:9.
Dahil sa paglitaw ng “bituin,” nanganib ang buhay ni Jesus at ipinapatay ang inosenteng mga bata. Nang umalis ang mga astrologo sa Betlehem, binabalaan sila ng Diyos na huwag nang bumalik kay Herodes.—Mateo 2:12.
Ano ang ginawa ni Herodes? Sinasabi ng Bibliya: “Nang malaman ni Herodes na nilinlang siya ng mga astrologo, galit na galit siya. Kaya nagsugo siya ng mga tauhan para patayin ang lahat ng batang lalaki sa Betlehem at sa lahat ng distrito nito, mula dalawang taóng gulang pababa, batay sa panahon ng paglitaw ng bituin na sinabi sa kaniya ng mga astrologo.” (Mateo 2:16) Hinding-hindi hahayaan ng Diyos na siya ang maging dahilan ng ganitong napakasamang bagay.—Job 34:10.
a Sinabi ng Griegong istoryador na si Herodotus, na nabuhay noong ikalimang siglo B.C.E., na ang ma’goi noong panahon niya ay kabilang sa isang angkan na mula sa Media (Persia). Dalubhasa sila sa astrolohiya at pagpapakahulugan sa mga panaginip.
b Tingnan ang New American Standard Bible, The New American Bible, The New English Bible, at ang New International Version Study Bible. Sa Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino, tinawag sila na “mga Pantas na lalaki,” pero hindi binanggit na tatlo sila.