Pumunta sa nilalaman

TULONG PARA SA PAMILYA | PAGPAPALAKI NG MGA ANAK

Bakit Mahalagang Magbasa ang mga Bata?—Bahagi 1: Magbabasa o Manonood?

Bakit Mahalagang Magbasa ang mga Bata?—Bahagi 1: Magbabasa o Manonood?

 Kapag nagre-relax ang mga anak ninyo, ano ang mas gusto nilang gawin: manood ng video o magbasa? Ano ang malamang na piliin nila: cellphone o aklat?

 Sa loob ng maraming taon, nagkaroon ng kakompetensiya ang pagbabasa—una, nandiyan ang TV. Pagkatapos, nagkaroon ng iba’t ibang puwedeng mapanood at magawa online. “Baka dumating ang panahon na wala nang taong magbabasa,” ang isinulat ni Jane Healy sa aklat niyang Endangered Minds, noong 1990.

 Noong panahong iyon, parang imposibleng mangyari ang sinasabi niya. Pero pagkalipas ng ilang dekada, napansin ng mga guro sa mga lugar na masulong ang teknolohiya na hiráp nang magbasa ang maraming kabataan.

Sa artikulong ito

 Bakit mahalagang magbasa ang mga bata?

  •   Gumagana ang imahinasyon kapag nagbabasa. Halimbawa, kapag nagbabasa ka ng kuwento, ano ang nai-imagine mong boses ng mga karakter? Ano ang hitsura nila? Ano-ano ang nakikita mo sa paligid? Magbibigay ang writer ng ilang detalye, pero ang mambabasa ang bubuo ng kumpletong larawan sa isip niya.

     “Kapag nanonood tayo ng pelikula o video, imahinasyon ng ibang tao ang nakikita natin,” ang sabi ng nanay na si Laura. “Okay naman ’yon, pero iba pa rin ang pagbabasa—ikaw mismo ang nag-i-imagine sa isinulat ng iba.”

  •   Nagkakaroon ng magagandang katangian ang mga bata kapag nagbabasa. Habang nagbabasa ang mga bata, natututo silang mag-isip ng mga solusyon sa mga problema. Isa pa, kapag nagbabasa, kailangang magpokus. Dahil diyan, natututo silang kontrolin ang sarili nila, maging mapaghintay, at magpakita ng empatiya.

     Empatiya? Oo! Naniniwala ang ilang mananaliksik na kapag binabasang mabuti ng mga bata ang isang kuwento, napag-iisipan nila kung ano ang nararamdaman ng isang karakter. Kaya posibleng matutuhan nilang magpakita ng empatiya sa mga taong nakakasalamuha nila.

  •   Nagagamit nang mabuti ang isip kapag nagbabasa. Hindi minamadali ng iba ang pagbabasa—at binabalikan pa nga nila ang binabasa nila kung kailangan—para maintindihan ang gustong sabihin ng awtor. Habang ginagawa nila ito, mas maaalala nila ang binabasa nila at makikinabang sila dito.—1 Timoteo 4:15

     Sinabi ng tatay na si Joseph: “Kapag nagbabasa ka, mas madali mong napag-iisipan ang ibig sabihin ng binabasa mo, naiuugnay ito sa dati mo nang alam, at napag-iisipan ang mga matututuhan mo mula rito. Kadalasan, hindi natin nagagamit nang ganiyan ang isip natin kapag nanonood lang tayo ng video o pelikula.”

 Tandaan: Totoo, nakakatulong din ang mga video, pero malaki ang mawawala sa mga anak ninyo kung hindi sila magbabasa.

 Kung paano sila mapapasiglang magbasa

  •   Magsimula habang bata pa sila. Sinabi ni Chloe na may dalawang anak: “Nang ipinagbubuntis ko pa lang ang mga anak namin, binabasahan na namin sila. At ipinagpatuloy namin ’yon kahit naipanganak na sila. Mabuti na lang at ginawa namin ’yon kasi bandang huli, nakahiligan nila ang pagbabasa.”

     Prinsipyo sa Bibliya: “Mula pa noong sanggol ka ay alam mo na ang banal na mga kasulatan.”—2 Timoteo 3:15.

  •   Gumawa ng paraan para ganahan silang magbasa. Tiyakin na maraming nakikitang libro sa bahay ang mga anak ninyo. “Humanap ng mga libro na magugustuhan ng anak ninyo, at ilagay ’yon sa tabi ng kama niya,” ang sabi ni Tamara na may apat na anak.

     Prinsipyo sa Bibliya: “Sanayin mo ang bata sa landas na dapat niyang lakaran; kahit tumanda siya, hindi siya lilihis dito.”—Kawikaan 22:6.

  •   Limitahan ang paggamit ng Internet. Inirerekomenda ni Daniel, isang tatay, na magkaroon ng isang gabi na walang gagamit ng anumang gadyet. Sinabi niya: “Kahit na isang gabi lang ’yon sa isang linggo, mayroon pa rin kaming isang gabi na tahimik at walang TV. Kaya may panahon kaming magbasa, sama-sama man, o kani-kaniya.”

     Prinsipyo sa Bibliya: “[Tiyakin] ninyo kung ano ang mas mahahalagang bagay.”—Filipos 1:10, talababa.

  •   Maging halimbawa. Inirerekomenda ni Karina, isang nanay na may dalawang anak: “Kapag binabasahan mo ang mga anak mo, gawing buhay na buhay ito at ipakita mong nag-e-enjoy ka sa binabasa mo. Kapag mahilig kang magbasa, malamang na gayahin nila ’yon.”

     Prinsipyo sa Bibliya: “Magsikap ka sa pangmadlang pagbabasa.”—1 Timoteo 4:13.

 Hindi lahat ng bata ay magiging mahilig magbasa. Pero makakatulong kung papasiglahin mo silang magbasa. Higit pa riyan ang ginawa ni David, na may dalawang anak na babae. Sinabi niya: “Binabasa ko kung ano ang binabasa ng mga anak ko. Kaya alam ko kung saan sila interesado at kung ano ang pag-uusapan namin. Kaya para kaming may sariling reading club. Ang saya n’on!”