TULONG PARA SA PAMILYA | PAG-AASAWA
Pagdidiborsiyo ng mga May-edad—Paano Maiiwasan?
Sa pagitan ng 1990 at 2015, dumoble ang bilang ng mga nagdidiborsiyo na nasa edad 50 pataas sa United States. Naging triple naman ang bilang ng mga nagdidiborsiyo ng mga nasa mahigit 65 taóng gulang. Bakit nangyayari ito? Ano ang puwede ninyong gawin para maiwasan itong mangyari sa inyong pag-aasawa?
Sa artikulong ito
Bakit nagdidiborsiyo ang mga may-edad?
Madalas na dahil lang sa lumayo ang loob ng mag-asawa sa isa’t isa kaya nagdidiborsiyo sila kapag may-edad na. Sa paglipas ng panahon, nagkakaroon sila ng magkaibang mga interes. Nababawasan din ang mga napagkakasunduan nila. Ang iba naman, kapag lumaki na ang mga anak nila at lumipat na ng tirahan, nakikita nila na nakalimutan na nila ang papel nila sa isa’t isa bilang mag-asawa. Matagal kasi silang nagpokus sa papel nila bilang magulang.
Sa nakalipas na mga dekada, sinasabi ng mga nagpapakilalang eksperto sa pag-aasawa na dapat unahin ng isa ang sarili niya. ‘Masaya pa ba ako sa pagsasama namin?’ ‘Nagiging mas mabuting tao ba ako?’ ‘Naibibigay ba ng asawa ko ang emosyonal na pangangailangan ko?’ Iniisip ng mga tao ngayon na kapag ang sagot mo sa mga tanong na iyan ay hindi, dapat na gawin mo ang makakabuti sa iyo—makipagdiborsiyo at magsimula ng bagong buhay.
Hindi na itinuturing ngayon na masama ang diborsiyo. Isinulat ng sociologist na si Eric Klinenberg: “Dati, kapag hindi na masaya ang isa sa asawa niya at gusto niyang makipagdiborsiyo, kailangan niyang magbigay ng makatuwirang dahilan kung bakit niya gagawin iyon. Pero baligtad na ngayon. Kapag hindi ka na masaya sa asawa mo, kailangan mong magbigay ng dahilan kung bakit hindi ka pa nakikipaghiwalay. Iyan na kasi ang karaniwang paniniwala ng marami sa ngayon—gawin mo kung ano ang magpapasaya sa iyo.” a
Madalas, kapag nakipagdiborsiyo ang isa, nawawala naman ang dati niyang mga problema. Pero napapalitan lang iyon ng bagong mga problema. Halimbawa, ipinapakita ng isang pag-aaral na “madalas na nagkakaproblema sa pinansiyal ang mga mag-asawang nagdidiborsiyo kapag may-edad na. Lalong totoo ito sa mga asawang babae.”
May isa pang dapat pag-isipan. “Kahit magsimula ka ng bagong buhay, iyon pa rin naman ang pagkatao mo,” ang sabi ng aklat na Don’t Divorce. “May ginawa ka na ba para mabago ang paraan ng pakikipag-usap mo sa asawa mo para magkasundo kayo? May ginawa ka na ba para mabago ang reaksiyon mo kapag hindi kayo nagkakasundo?” b
Ang puwede mong gawin
Tanggapin ang pagbabago. Siguradong may nagbago sa relasyon ninyong mag-asawa. Posibleng dahil umalis na sa poder ninyo ang mga anak ninyo, o nagkaroon kayo ng magkaibang mga interes. Imbes na isiping, ‘sana wala na lang nagbago sa pagsasama namin,’ pag-isipan kung paano mapapaganda ang sitwasyon ninyo ngayon.
Prinsipyo sa Bibliya: “Huwag mong sabihin, ‘Bakit ba mas maganda ang mga araw noon kaysa ngayon?’ dahil hindi katalinuhang itanong ito.”—Eclesiastes 7:10.
Manatiling malapít sa isa’t isa. Puwede ka kayang maging interesado sa mga bagay na gustong-gusto ngayon ng asawa mo, o subukang i-share sa kaniya ang mga bagay na interesado ka? Baka puwede kayong gumawa ng bagong activity na pareho ninyong mae-enjoy. Ang goal, magkaroon kayo ng panahon sa isa’t isa para mas maramdaman ninyo na mag-asawa kayo at hindi lang basta dalawang tao na magkasama sa isang bahay.
Prinsipyo sa Bibliya: “Patuloy na unahin ng bawat isa ang kapakanan ng ibang tao, hindi ang sarili niya.”—1 Corinto 10:24.
Patuloy na magpakita ng magagandang ugali. Hindi dahil matagal na kayong magkasama, hahayaan ninyo nang mawala ang paggalang ninyo sa isa’t isa. Maging magalang kapag nakikipag-usap sa asawa mo, gaya ng ginagawa mo noong nagde-date pa lang kayo. Ugaliing magsabi ng “please” at “salamat.” Laging ipakita sa asawa mo na mahal mo siya, at na naa-appreciate mo ang ginagawa niya para sa iyo.
Prinsipyo sa Bibliya: “Maging mabait kayo sa isa’t isa at tunay na mapagmalasakit.”—Efeso 4:32.
Isip-isipin ang masasayang nangyari sa buhay ninyo. Magkasamang tingnan ang mga picture ng kasal ninyo o iba pang picture na magkasama kayo. Makakatulong iyan para mapanatili o maibalik ang pag-ibig at respeto ninyo sa isa’t isa.
Prinsipyo sa Bibliya: “Mahalin ng bawat isa sa inyo ang kaniyang asawang babae gaya ng sarili niya; ang asawang babae naman ay dapat magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.”—Efeso 5:33.
a Mula sa aklat na Going Solo—The Extraordinary Rise and Surprising Appeal of Living Alone.
b Seksuwal na imoralidad lang ang tanging dahilan na ibinigay ng Bibliya sa pakikipagdiborsiyo. (Mateo 19:5, 6, 9) Tingnan ang artikulong “Pinapayagan ba ng Bibliya ang Diborsiyo?”