TULONG PARA SA PAMILYA
Kung Paano Magpapakita ng Pagmamahal
Sa paglipas ng panahon, lumalamig ang pagmamahalan ng ilang mag-asawa. Kung nangyayari iyan sa inyong mag-asawa, dapat ka bang mag-alala?
Ang dapat mong malaman
Mahalaga ang pagmamahal sa matibay na pagsasama. Kung paanong ang regular na suplay ng pagkain at tubig ay kailangan para maging malakas at malusog ang katawan, ang patuloy na pagpapakita ng pagmamahal ay magpapatibay rin sa pagsasama. Kahit ilang dekada nang kasal, mahalagang laging ipadama ng isa ang pagmamahal at pagmamalasakit niya sa kaniyang asawa.
Ang tunay na pag-ibig ay hindi makasarili. Inuuna nito ang kaligayahan ng iba. Kaya imbes na ipakita ang pagmamahal kung kailan mo lang gusto, aalamin ng isang makonsiderasyong asawa kung kailan kailangang ipadama sa kaniyang kabiyak na mahal niya ito at ipapadama niya iyon.
Karaniwan na, mga asawang babae ang mas nangangailangan ng pagmamahal. Baka mahal naman talaga ng asawang lalaki ang kabiyak niya. Pero kung ipinapakita lang niya ang pagmamahal niya sa simula at pagtatapos ng araw o bago sila magtalik, baka magduda ang misis niya kung talagang mahal siya ng kaniyang asawa. Kaya mas makakabuting ipakita ang pagmamahal mo sa buong araw.
Ang puwede mong gawin
Ipakita ito sa salita. Ang simpleng pagsasabi ng “Mahal kita” o “Mahalaga ka sa ’kin” ay makakatulong para madama niyang pinahahalagahan siya.
Simulain sa Bibliya: “Mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang bibig.”—Mateo 12:34.
Tip: Bukod sa pagsasabi nang harapan na mahal mo siya, puwede mo rin itong sabihin sa note, e-mail, o text message.
Ipakita ito sa gawa. Ang yakap, halik, o simpleng hawak-kamay ay nagpapakita na talagang mahal mo siya. Maipapakita mo rin ito sa pamamagitan ng haplos, malambing na tingin, at pagreregalo sa pana-panahon. Puwede mo ring tulungan ang asawa mo, halimbawa, sa pagbubuhat ng bag, pagbubukas ng pinto, paghuhugas ng plato, paglalaba, o pagluluto. Para sa marami, hindi lang ito basta pagtulong—pagpapakita ito ng pagmamahal!
Simulain sa Bibliya: “Umibig tayo, huwag [lang] sa salita ni sa dila man, kundi sa gawa at katotohanan.”—1 Juan 3:18.
Tip: Pakitunguhan ang asawa mo gaya noong magkasintahan pa lang kayo.
Maglaan ng panahon sa isa’t isa. Kapag may panahon ka na asawa mo lang ang kasama mo, mapapatibay nito ang inyong pagsasama at madarama niya na masaya kang kasama siya. Pero baka mahirap itong gawin lalo na kung may mga anak kayo o maraming dapat asikasuhin sa araw-araw. Puwede ninyong planuhing gumawa ng simpleng mga bagay nang kayong dalawa lang, gaya ng regular na paglalakad.
Simulain sa Bibliya: ‘Tiyakin ninyo ang mga bagay na higit na mahalaga.’—Filipos 1:10.
Tip: May mga mag-asawa na kahit abala ay regular na nagde-date sa espesipikong mga gabi o weekend nang silang dalawa lang.
Kilalanin ang iyong asawa. Iba-iba ang pangangailangan ng tao pagdating sa pagmamahal. Pag-usapan ninyong dalawa kung ano ang puwedeng gawin ng bawat isa para maramdaman ninyo ang pagmamahal ng inyong asawa. Pagkatapos, ibigay ang pangangailangan ng asawa mo. Tandaan, mahalaga ang pagmamahal sa isang matibay na pagsasama.
Simulain sa Bibliya: “Ang pag-ibig ay . . . hindi naghahanap ng sarili nitong kapakanan.”—1 Corinto 13:4, 5.
Tip: Sa halip na maging mapaghanap sa iyong asawa, tanungin ang sarili, ‘Ano kaya’ng magagawa ko para mas mahalin ako ng asawa ko?’