TULONG PARA SA PAMILYA | PAGPAPALAKI NG MGA ANAK
Bakit Mahalagang Magbasa ang mga Bata?—Bahagi 2: Sa Screen o Naka-print?
Saan mas gustong magbasa ng anak mo—sa naka-print na libro o sa screen ng gadyet?
Maraming kabataan ang mas gustong magbasa sa gadyet. “Para sa isang henerasyon na lumaki sa pagki-click ng mga link, o pag-scroll ng mga page, boring na ang magbasa ng libro,” ang isinulat ni Dr. Jean M. Twenge. a
Kung minsan, mas maganda na magbasa sa gadyet. “Sa school namin, digital na mga libro ang ginagamit,” ang sabi ni John, 20 years old. “Dahil sa search feature, mabilis kong nahahanap ang mga impormasyong kailangan ko.”
Kapag nagbabasa sa gadyet, maraming tool na puwedeng magamit. Halimbawa, sa isang click lang o tap, puwede nang malaman ng nagbabasa ang kahulugan ng isang salita, makinig ng audio, manood ng video, at makakuha ng mga impormasyong konektado sa binabasa niya gamit ang mga link. Ibig bang sabihin mas maganda nang magbasa sa gadyet kaysa sa mga naka-print na babasahin?
Kung mas malalim na pag-aaral ang pag-uusapan, mas gusto ng ilan ang naka-print na mga babasahin. Bakit?
Pokus. Sinabi ng kabataang si Nathan, “Kapag nagbabasa ako sa gadyet, nadi-distract ako sa mga nagpa-pop-up at notification kaya nahihirapan akong magpokus.”
Ganiyan din ang problema ni Karen, 20. “Kapag nagbabasa ako sa cellphone o tablet,” ang sabi niya, “Ang daling matukso na magbukas ng ibang app, o mag-games.”
Prinsipyo sa Bibliya: “Gamitin ninyo sa pinakamabuting paraan ang oras ninyo.”—Colosas 4:5.
Pag-isipan: Kaya bang kontrolin ng anak mo ang sarili niya para maiwasan ang mga puwedeng umagaw sa atensiyon niya kapag nagbabasa o nag-aaral gamit ang gadyet? Kung hindi, paano mo siya tutulungang makapagpokus?
Tip: Tulungan ang anak mong maintindihan na mas lalo lang siyang magtatagal sa paggawa ng assignment dahil sa mga puwedeng maka-distract sa kaniya sa gadyet at maaagaw din nito ang oras na para sana sa ibang gawain.
Mga naiintindihan. “Ipinapakita ng maraming eksperimento na mas kaunti ang naiintindihan ng mga taong nagbabasa sa gadyet kumpara kapag nagbabasa sila sa naka-print na mga babasahin,” ang sabi ng aklat na Be the Parent, Please.
Ang isang dahilan, kadalasan nang pinapasadahan lang ng mga tao ang binabasa nila sa screen at hindi na pinag-iisipan. “Sa internet,” ang sabi ng awtor na si Nicholas Carr, “gusto nating makarami at makakuha agad-agad ng mga impormasyon na kasimbilis ng galaw ng mata at daliri natin.” b
Nakakatulong din naman kung minsan ang pag-scan o pagbabasa nang madalian. Kaya lang, ang sabi ni Carr, “ito na ang nakakasanayang paraan ng pagbabasa.” Dahil dito, baka makaugalian ng anak mo na pasadahan na lang ang binabasa niya at hindi na intindihin ito.
Prinsipyo sa Bibliya: “Sa lahat ng dapat mong kunin, tiyakin mong makuha ang unawa.”—Kawikaan 4:7.
Pag-isipan: Paano mo matuturuan ang anak mo na pag-aralan pang mabuti ang isang paksa, sa libro man o sa gadyet?
Tip: Maging balanse. Puwede ka namang magbasa sa libro o sa gadyet. Parehong may maitutulong ito. May mga feature sa gadyet na makakatulong para mas maintindihan mo ang binabasa mo. Kaya kapag sinasabi mo sa anak mo ang advantage at disadvantage ng pagbabasa sa libro o sa gadyet, maging makatuwiran. Tandaan din na magkakaiba ang mga bata.
Mga natatandaan. Kumpara sa naka-print na babasahin, sinabi ni Ferris Jabr sa isang artikulo sa Scientific American, “mas nakakapagod sa isip natin . . . at mas kaunti ang natatandaan natin sa mga nababasa natin kapag electronic device ang gamit natin.”
Halimbawa, nakakatulong sa memorya ang pagbabasa ng naka-print na libro kasi para kang nagkakaroon ng “mapa” sa isip mo kung saang pahina mo nakita ang isang impormasyon. Kaya para kang may sariling “bookmark” sa isip mo para mahanap mo ulit iyon.
Isa pa, nalaman ng mga mananaliksik na mas tumatatak sa isip ng mga taong nagbabasa ng mga naka-print na babasahin ang mga impormasyon. Mas natatandaan nila iyon kasi mas naintindihan nila ang binasa nila.
Prinsipyo sa Bibliya: “Ingatan mo ang karunungan at ang kakayahang mag-isip.”—Kawikaan 3:21.
Pag-isipan: Nahihirapan ba ang anak mo na maintindihan o maalala ang binasa niya o pinag-aralan? Paano mo kaya siya matutulungan? Makakatulong kaya ang naka-print na publikasyon?
Tip: Tingnan kung saan mas natututo ang anak mo imbes na kung ano ang mas gusto niya. May tendensiya kasi ang mga tao na isiping mas natututo sila kapag sa screen sila nagbabasa.