TULONG PARA SA PAMILYA | PAGPAPALAKI NG MGA ANAK
Tulungan ang mga Anak Kapag Nakapanood Sila ng Masasamang Balita
Napakadaling ma-access ang nakakatakot na mga balita sa TV, cellphone, tablet, at computer. At madalas may kasama pa itong mga detalyadong video.
At napapanood iyan kahit ng mga bata.
Paano mo matutulungan ang mga anak mo para hindi sila masyadong mag-alala dahil sa masasamang balita?
Ano ang epekto sa mga bata ng mga balita?
Maraming bata ang nag-aalala dahil sa masasamang balita na napapanood nila. May mga bata na hindi nagsasabi ng nararamdaman nila, pero apektadong-apektado na pala sila ng mga napapanood nila. a At baka mas lalo silang mag-alala kapag nakita nilang nag-aalala rin ang mga magulang nila.
Baka mali ang pagkaintindi ng mga bata sa mga nakikita nila sa balita. Halimbawa, iniisip ng ilan na mangyayari din sa pamilya nila ang napanood nila sa balita. At kapag paulit-ulit na napapanood ng maliliit na bata ang video ng isang masamang pangyayari, baka isipin nila na paulit-ulit din itong nangyayari.
Baka ang ma-imagine ng mga bata sa napanood nilang balita ay mas malala kaysa sa totoong nangyari. Hindi nila alam na ang mga news agency ay negosyo. Miyentras marami ang nanonood, mas malaki ang kita. Kaya baka gawin nilang sensational ang isang balita para patuloy itong panoorin ng mga tao.
Paano mo tutulungan ang mga anak mo para hindi sila mag-alala dahil sa mga balita?
Limitahan ang panonood nila ng masasamang balita. Hindi naman ibig sabihin nito na wala na silang alam sa nangyayari sa mundo. Pero hindi rin makakabuti sa kanila kung paulit-ulit nilang mapapanood o maririnig ang isang masamang balita.
“Kung minsan, pinag-uusapan namin nang detalyado ang isang balita, pero hindi namin namamalayang naaapektuhan na pala ang mga anak namin sa mga naririnig nila sa amin.”—Maria.
Prinsipyo sa Bibliya: “Ang sobrang pag-aalala ay nagpapabigat sa puso ng tao.”—Kawikaan 12:25.
Matiyagang makinig, at magpakita ng empatiya. Kung nahihirapan ang anak mo na sabihin ang nararamdaman niya tungkol sa napanood niya, ipadrowing mo na lang iyon sa kaniya. Pag-usapan ang mga ikinababahala ng anak mo. Gumamit ng mga salitang maiintindihan niya, pero iwasang pag-usapan ang mga detalye na hindi naman niya kailangang malaman.
“Gumagaan ang pakiramdam ng anak namin pagkatapos naming mapakinggan ang mga ikinababahala niya. Hindi nakakatulong kung basta na lang namin sasabihin sa kaniya, ‘Ganiyan na talaga ngayon, masanay ka na.’”—Sarahi.
Prinsipyo sa Bibliya: “Maging mabilis sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.”—Santiago 1:19.
Tulungan ang anak mo na maintindihan ang mga balita. Halimbawa, kapag may balita tungkol sa isang kidnapping, baka maisip ng anak mo na malaki talaga ang posibilidad na mangyari iyon. Ipaliwanag sa anak mo kung ano ang mga ginawa mong hakbang para matiyak na ligtas sila. Tandaan din na kaya nababalita ang isang trahedya ay dahil bihira itong mangyari.
“Tulungan ang mga anak mo na huwag masyadong mag-alala. Kadalasan kasi, ’yong nararamdaman nila ay resulta ng iniisip nila. Kaya kung tutulungan natin silang mag-isip nang positibo, gagaan ang pakiramdam nila.”—Lourdes.
Prinsipyo sa Bibliya: “Ang puso ng marunong ay nagbibigay ng kaunawaan sa bibig niya at nagdaragdag ng panghihikayat sa pananalita niya.”—Kawikaan 16:23.
a Kapag hindi mapalagay ang maliliit na bata, posibleng maihi sila sa kama habang natutulog o matakot silang pumasok sa school at mahiwalay sa mga magulang nila.