TULONG PARA SA PAMILYA | PAGPAPALAKI NG MGA ANAK
Turuan ang Iyong Anak na Maging Matiyaga
“Hindi ko po kaya!” ang sabi ng anak mo. “Ang hirap po kasi! Kanina pa ako, hindi ko pa rin magawa!” Gusto na niya agad sumuko sa mahihirap na gawain. Ayaw mong makitang nahihirapan ang anak mo, pero gusto mong matutuhan niyang harapin ang mahihirap na gawain. Tutulungan mo ba siya agad? Hahayaan mo na lang ba siyang sumuko? O tuturuan mo siyang maging matiyaga?
Ang dapat mong malaman
Napakahalagang maging matiyaga. Kapag tinuturuan ng mga magulang ang anak nila na gumawa ng mahihirap na atas para ma-develop nito ang kakayahan niya, mas malamang na maging mahusay siya sa paaralan, maging masaya at malusog, at magkaroon ng maraming kaibigan. Pero kung hindi hahayaan ng mga magulang ang anak nila na mahirapan at mabigo, mas malamang na ma-depress siya, mawalan ng tiwala sa sarili, at hindi maging masaya sa buhay paglaki niya.
Kapag naituro ang pagiging matiyaga. Kahit ang maliliit na bata, puwedeng magpursigi na magawa ang mahihirap na gawain at makalutas ng mga problema. Sa isang pag-aaral sa mga bata na edad isang taon at kalahati, nakita ng mga researcher na mas nagsisikap silang magawa ang mahihirap na gawain kapag nakita nilang nagtitiyaga ang isang adulto na gawin ang mahirap na bagay kaysa matapos niya ito nang walang kahirap-hirap.
“Natatandaan ko pa noong maliliit ang anak ko. Tinuturuan ko silang magtali ng sapatos. Hindi lang iyan natututuhan sa loob ng isang araw. Sa tuwing magtatali sila ng sapatos nila, inaabot sila nang 10 hanggang 15 minuto dahil pilit nilang inaalala kung paano nila ginagawa iyon. Tapos, tutulungan ko na sila. Ilang buwan din bago nila nagawa iyon nang tama. At kung minsan, naiinis pa nga sila kaya umiiyak sila. Puwede ko sana silang bilihan ng sapatos na walang sintas. Mas madali iyon para sa akin. Pero kung minsan, bilang mga magulang, kailangan nating maging matiyaga para maturuan natin ang mga anak natin na maging matiyaga rin.”—Colleen.
Kapag hindi naituro ang pagiging matiyaga. Hindi naman sinasadya ng ilang magulang, pero hindi nila natutulungan ang mga anak nila na magtiyaga. Paano? Sa kagustuhan ng ilang magulang na huwag madismaya ang anak nila, tinutulungan nila agad ito para hindi ito mahirapan, o hindi nito madama na hindi niya kayang gawin ang isang bagay. Pero hindi laging maganda ang resulta nito. “Sa tuwing tinutulungan natin . . . ang mga anak natin sa isang mahirap na gawain,” ang isinulat ng awtor na si Jessica Lahey, “para bang sinasabi natin sa kanila na hindi nila kayang gawin iyon, at na wala tayong tiwala sa kanila.” a Ang resulta? Sumusuko agad ang mga bata kapag nahihirapan sila. Iniisip nilang kailangan nila ng tulong ng isang adulto.
Ang puwede mong gawin
Tulungan silang maging masipag. Matuturuan ng mga magulang ang mga anak nila na maging matiyaga kung bibigyan nila ang mga ito ng mga gawaing-bahay na bagay sa edad nila. Halimbawa, puwedeng patulungin ang mga batang hindi pa nag-aaral na magtupi ng mga damit at itabi ang mga laruan nila. Puwede namang patulungin ang mas malalaking bata sa pag-aayos ng mga pinamili, paghahanda at pagliligpit ng mesa, pagtatapon ng basura, at paglilinis ng maliliit na kalat. Mas mabibigat na trabaho ang puwedeng gawin ng mga tin-edyer gaya ng paglilinis, pagmamantini, at pagre-repair. Hindi laging gusto ng mga bata ang mga gawaing-bahay. Pero sila rin ang makikinabang kapag tinuruan sila ng mga magulang nila na maging responsable sa mga gawaing-bahay habang bata pa lang. Paano sila makikinabang? Nasasanay silang magtrabahong mabuti. At kahit lumaki na sila, hindi sila agad sumusuko kahit mahirap ang ginagawa nila.
Prinsipyo sa Bibliya: “May pakinabang sa bawat pagsisikap.”—Kawikaan 14:23.
“Huwag bigyan ang mga anak mo ng kahit anong gawain para masabi lang na may ginagawa sila. Hindi iyan magugustuhan kahit ng isang bata. Bigyan sila ng gawain na talagang masasabing nakatulong sila. Kung maliit pa ang anak mo, puwede siyang magtanggal ng alikabok sa mga kaya niyang abutin. Kung naglilinis ka ng sasakyan, puwede mong ipagawa sa kaniya ang mabababang bahagi na mahihirapan kang abutin. Pagkatapos, pasalamatan ang anak mo sa pagsisikap niya na tumulong.”—Chris.
Alalayan ang anak mo kapag may ipinagawa kang mahirap na gawain sa kaniya. Kung minsan, sumusuko agad ang mga bata kasi hindi nila alam kung paano tatapusin ang isang gawain. Kaya kung gusto mong matuto ng isang bagay ang anak mo, puwede mong subukan ito: Una, gawin mo muna iyon habang pinapanood ka niya. Pagkatapos, magkasama ninyong gawin iyon. Sumunod, panoorin ang anak mo habang ginagawa iyon, at magbigay ng suggestion. Panghuli, hayaan mong tapusin ng anak mo ang gawaing iyon nang siya lang.
Prinsipyo sa Bibliya: “Nagbigay ako ng parisan para sa inyo, na kung ano ang ginawa ko sa inyo, dapat din ninyo itong gawin.”—Juan 13:15.
“Sa karanasan namin bilang magulang, nakita namin na kailangan naming maging matiyaga kung gusto naming maging matiyaga rin ang mga anak namin. Kailangan naming magpakita sa kanila ng mabuting halimbawa.”—Doug.
Ipaunawa sa anak mo na normal lang na mahirapan at mabigo paminsan-minsan. Ikuwento sa kaniya nang mahirapan ka sa isang bagay pero natuto ka dahil hindi ka agad sumuko. Ipaliwanag sa kaniya na normal lang na mahirap gawin ang isang bagay sa simula. At puwede siyang matuto kung magkamali siya. Sabihin sa kaniya na hindi magbabago ang pagmamahal mo sa kaniya, magkamali man siya. Matututong maging matiyaga ang anak mo kung hahayaan mo siyang gumawa ng mahihirap na gawain. Para itong muscle na habang ginagamit, lalong lumalaki. Kaya imbes na tulungan agad ang anak mo kapag nahihirapan siya, hayaan mo lang muna siya kahit nadidismaya siya. “Ang pinakamagandang paraan para matutong maging matatag ang isang kabataan,” ang sabi ng aklat na How Children Succeed, “ay ang hayaan siyang gawin ang isang bagay na malamang na hindi niya kayang gawin.”
Prinsipyo sa Bibliya: “Mabuti sa isang tao na siya’y matutong magtiyaga mula sa kaniyang kabataan.”—Panaghoy 3:27, Magandang Balita Bibliya.
“Para sa ikabubuti ng mga anak mo kung hahayaan mo silang mahirapan nang kaunti. Pero ipaalam sa kanila na nandiyan lang kayo para tulungan sila. Sa bandang huli, matututuhan din nila iyon nang hindi nahihirapan. Sulit ang pagtitiyaga niya dahil matututo siya at magkakaroon ng tiwala sa sarili.”—Jordan.
Purihin ang pagsisikap, hindi ang talino. Halimbawa, imbes na sabihin, “Ang taas ng nakuha mo sa test! Ang talino mo kasi.” Puwede mong sabihin, “Ang taas ng nakuha mo sa test! Nagsikap ka kasing mag-aral.” Bakit mahalagang purihin ang pagsisikap ng isa kaysa sa talino niya? Kung talino ng mga bata ang pupurihin mo, “madali nilang pagdududahan ang sarili nila kapag nahihirapan silang gawin ang isang bagay, o kapag hindi nila ito nagawa,” ang sabi ni Dr. Carol Dweck. Sinabi pa niya: “Kung gusto ng mga magulang na regaluhan ang mga anak nila, ang pinakamagandang maibibigay nila ay ang turuan silang huwag matakot na gawin kahit ang mahihirap na bagay. Huwag matakot na magkamali. Maging masikap, mag-isip ng mga bagong diskarte, at patuloy na matuto. Kung iyan ang matututuhan ng mga anak, hindi nila gagawin ang isang bagay dahil lang sa papuri.” b
Prinsipyo sa Bibliya: “Nasusubok ang isang tao dahil sa papuring natatanggap niya.”—Kawikaan 27:21.