MAY NAGDISENYO BA NITO?
Ang Paglipad ng Dandelion Seed
Sa kalikasan, isa sa pinakamahusay pagdating sa paglipad ang mga dandelion seed. Kapag tinangay ng hangin ang maliliit na buto mula sa dandelion, para itong maliliit na parachute. Kahit mababa lang ang lipad ng mga ito, may ilan na nakakalayo nang hanggang 1 kilometer (0.6 mi) o higit pa. Paano nila ito nagagawa? Nito lang, nadiskubre ang paraan nila ng paglipad na mas stable at apat na beses na mas efficient kaysa sa karaniwang parachute.
Pag-isipan ito: Nakakabit sa isang dulo ng stem ang buto ng dandelion. Sa kabilang dulo naman makikita ang pappus, na binubuo ng maninipis na parang balahibo. Nagsisilbing parachute ang pappus para manatiling nakalutang sa ere ang buto.
Pero hindi lang iyan ang nagagawa ng pappus. Habang dumadaan ang hangin sa mga balahibo nito, may namumuong vortex ng hangin sa itaas ng pappus. Dahil sa paikot na hangin sa vortex na ito, nagkakaroon ng low pressure. Kaya nahihila pataas ang pappus at hindi agad bumabagsak sa lupa.
Dahil sa maayos na disenyo ng mga balahibo ng pappus, mas madaling nakakatagos ang hangin. Parang parachute ito na mas efficient at stable. Bukod diyan, 90 percent ng pappus ay walang laman o space lang! Kaya maliit na porsiyento lang nito ang mga balahibo.
Gustong gayahin ng mga scientist ang paglipad ng dandelion seed. Posibleng magamit ang disenyo ng dandelion seed sa maliliit na drone para mabawasan ang energy na kakailanganin ng mga ito. Magagamit naman ang mga drone na ito sa iba’t ibang paraan, gaya ng pag-monitor ng air pollution.
Panoorin kung paano lumilipad ang mga dandelion seed
Ano sa palagay mo? Ang paglipad ba ng dandelion seed ay resulta ng ebolusyon? O may nagdisenyo nito?