TANONG NG MGA KABATAAN
Handa Na Ba Akong Bumukod?
Exciting at nakakatakot ang mamuhay nang mag-isa. Paano mo malalaman kung handa ka nang bumukod?
Suriin ang iyong mga dahilan
Maraming dahilan kung bakit gusto mong bumukod, pero hindi lahat ay matalino. Halimbawa, inamin ng kabataang si Mario, “Gusto kong bumukod para matakasan ko ang mga responsibilidad ko sa bahay.”
Ang totoo, baka mabawasan ang kalayaan mo kung aalis ka. “Kapag bumukod ka,” ang sabi ng 18-anyos na si Onya, “ikaw na ang bahala sa tirahan mo, pagkain, at sa mga bayarin—wala na ang mga magulang mo para tulungan ka!”
Tandaan: Dapat mong maunawaan kung bakit gusto mong bumukod para malaman mo kung handa ka na.
Tingnan kung kaya mo
Sinabi ni Jesus: “Sino sa inyo na nais magtayo ng tore ang hindi muna uupo at tutuusin ang gastusin, upang makita kung mayroon siyang sapat upang matapos iyon?” (Lucas 14:28) Paano mo “tutuusin ang gastusin” ng pagbukod mo? Suriin ang iyong sarili pagdating sa sumusunod.
RESPONSABLE KA BA SA PAGHAWAK NG PERA?
Sinasabi ng Bibliya: “Ang salapi ay pananggalang.”—Eclesiastes 7:12.
Hiráp ka bang mag-ipon?
Gastador ka ba?
Madalas ka bang mangutang?
Kung oo ang sagot mo sa alinman sa mga tanong na iyan, makakasamâ lang ang plano mong pagbukod!
“Umalis si Kuya sa bahay noong 19 siya. Wala pang isang taon, ubos na ang ipon niya, kinuha ng bangko ang kotse niya, at hindi na siya makautang. Kaya iyon, nagmamakaawa siyang umuwi.”—Danielle.
Ang puwede mong gawin: Tanungin ang mga magulang mo kung magkano ang karaniwang gastusin nila sa isang buwan. Ano ang mga binabayaran nila, at paano nila bina-budget ang suweldo nila? Paano sila nakakaipon?
Tandaan: Kung marunong kang humawak ng pera ngayon, magiging handa kang harapin ang mahihirap na kalagayan kapag bumukod ka na.
MAY DISIPLINA KA BA SA SARILI?
Sinasabi ng Bibliya: “Ang bawat isa ay magdadala ng kaniyang sariling pasan.”—Galacia 6:5.
Lagi ka bang nagpapaliban?
Kailangan pa bang ipaalaala sa iyo ng mga magulang mo ang mga gawain mo sa bahay?
Madalas ka bang lumampas sa curfew mo?
Kung oo ang sagot mo sa alinman sa mga tanong na iyan, mas mahihirapan kang maging responsable kapag namumuhay ka nang mag-isa.
“Kapag nakabukod ka na, may mga bagay na hindi mo naman nae-enjoy pero kailangan mo pa ring gawin. Walang magsasabi sa ’yo na gawin ang mga iyon, kaya dapat kang magkusa at sumunod sa isang rutin.”—Jessica.
Ang puwede mong gawin: Sa loob ng isang buwan, gawin ang lahat ng gawain sa bahay na kaya mo. Halimbawa, maglinis ng bahay, labhan ang sarili mong mga damit, mamalengke, magluto ng pagkain, at maghugas ng pinagkainan. Kung gagawin mo ang mga ito, magkakaideya ka kung paano mamuhay nang mag-isa.
Tandaan: Mahalaga ang disiplina sa sarili kung nagpaplano kang mamuhay nang mag-isa.
KONTROLADO MO BA ANG EMOSYON MO?
Sinasabi ng Bibliya: “Alisin nga ninyo ang lahat ng mga iyon sa inyo, poot, galit, kasamaan, mapang-abusong pananalita.”—Colosas 3:8.
Hiráp ka bang makisama sa iba?
Maikli ba ang pasensiya mo?
Gusto mo bang ikaw lagi ang nasusunod?
Kung oo ang sagot mo sa alinman sa mga tanong na iyan, mahihirapan kang makibagay sa isang roommate—o, sa mapapangasawa mo.
“Nalaman ko ang mga kahinaan ko nang magkaroon ako ng roommate. Hindi ko maaasahan na lagi akong pagpapasensiyahan ng iba kapag wala ako sa mood. Dapat matutuhan kong harapin ang stress.”—Helena.
Ang puwede mong gawin: Matutong makisama sa iyong mga magulang at kapatid. Tutal, ang pakikitungo mo sa kahinaan ng mga kasama mo ngayon ay indikasyon ng pakikitungo mo sa kahinaan ng mga makakasama mo sa hinaharap.
Tandaan: Ang pagbukod ay hindi pagtakas—kailangan mo itong paghandaan. Makipag-usap sa mga nakagawa na nito. Tanungin sila kung ano pa sana ang ginawa nila noon o kung ano pa sana ang nalaman nila. Mahalaga iyan sa paggawa ng kahit anong malaking desisyon!