TANONG NG MGA KABATAAN
Pakikipagligawan at Pakikipagkasintahan—Bahagi 1: Handa Na Ba Ako?
Ano ang pakikipagligawan at pakikipagkasintahan?
Iniisip ng ilan na ginagawa ito para lang mag-enjoy. Pero sa artikulong ito, ang “pakikipagligawan at pakikipagkasintahan” ay panahon para malaman ng isang lalaki at isang babae kung magkakasundo sila bilang mag-asawa. Kaya may goal ito at hindi lang panahon para makasama nila ang isa’t isa.
Dapat makatulong ito sa isa na makapagdesisyon—magpakasal o makipaghiwalay. Kaya kapag nakipagligawan ka, dapat na handa kang tanggapin anuman ang mangyari.
Tandaan: Kung sa tingin mo handa ka nang makipagligawan, dapat handa ka na ring magpakasal.
Handa ka na bang makipagligawan?
Puwede itong mapunta sa pagpapakasal, kaya magandang pag-isipan mo ang mga katangian mo na makakaapekto sa pagsasama ninyo. Halimbawa, pag-isipan ang sumusunod:
Kaugnayan sa pamilya. Kung paano mo tratuhin ang mga magulang at kapatid mo—lalo na kapag nai-stress ka—kadalasan nang ganoon din ang magiging pagtrato mo sa asawa mo.
Prinsipyo sa Bibliya: “Alisin ninyo sa inyong sarili ang lahat ng matinding hinanakit, galit, poot, pagbulyaw, at mapang-abusong pananalita, at anumang puwedeng makapinsala.”—Efeso 4:31.
Tanungin ang sarili: ‘Sasabihin ba ng mga magulang at kapatid ko na nirerespeto ko sila? Kapag mayroon kaming hindi pagkakasundo, kalmado pa rin ba ako, o nagagalit at nakikipagtalo?’
Pagsasakripisyo. Hindi lang sarili mo ang iisipin mo kapag may asawa ka na. Kadalasan nang kailangan mong magparaya at sundin kung ano ang gusto niya.
Prinsipyo sa Bibliya: “Patuloy na unahin ng bawat isa ang kapakanan ng ibang tao, hindi ang sarili niya.”—1 Corinto 10:24.
Tanungin ang sarili: ‘Lagi ko bang ipinipilit ang gusto ko? Kung tatanungin ang iba, sasabihin ba nilang makatuwiran akong makitungo sa kanila? Paano ko naipakita na inuuna ko ang kapakanan ng iba?’
Kapakumbabaan. Ang isang mabuting asawa ay umaamin sa mga pagkakamali niya at seryoso siya kapag nagsasabi ng sorry.
Prinsipyo sa Bibliya: “Lahat tayo ay nagkakamali nang maraming ulit.”—Santiago 3:2.
Tanungin ang sarili: ‘Agad ko bang inaamin na nagkamali ako, o nagdadahilan pa ako? Masyado ba akong sensitive at nagtatampo kapag pinapayuhan ako?’
Pera. Kung mahusay humawak ng pera ang isa, maiiwasan niya ang isa sa pinakamadalas pag-awayan ng mag-asawa.
Prinsipyo sa Bibliya: “Sino sa inyo na gustong magtayo ng bahay ang hindi muna uupo at kukuwentahin ang gastusin para malaman kung sapat ang pera niya para matapos iyon?”—Lucas 14:28.
Tanungin ang sarili: ‘Kaya ko bang kontrolin ang paggastos ko, o lagi akong may utang? Naipakita ko na ba na mahusay akong humawak ng pera?’
Mahusay na espirituwal na rutin. Kung isa kang Saksi ni Jehova, dapat na regular kang nag-aaral ng Bibliya at dumadalo sa mga pulong.
Prinsipyo sa Bibliya: “Maligaya ang mga nakauunawa na kailangan nila ang Diyos.”—Mateo 5:3.
Tanungin ang sarili: ‘Nagsisikap ba ako para manatiling matibay ang pananampalataya ko? Inuuna ko ba ang espirituwal na rutin ko, o inuuna ko ang ibang mga bagay?’
Tandaan: Deserve ng mapapangasawa mo ang isang mabuting asawa. Kung nagsisikap ka na maging mabuting asawa, malamang na mabuting tao rin ang magkakagusto sa iyo.