TANONG NG MGA KABATAAN
Paano Ko Maiiwasang Ma-burnout?
Sa tingin mo ba, malapit ka nang ma-burnout? Kung oo, makakatulong sa iyo ang artikulong ito!
Kung bakit ito nangyayari
Sobrang dami ng dapat gawin. “Sa lahat ng aspekto ng buhay,” ang sabi ng kabataang si Julie, “sinasabi sa atin na dapat tayong maging mas magaling, mag-improve, magtakda ng mas matataas na goal at magtagumpay. Ang hirap kapag lagi kang pressured!”
Teknolohiya. Dahil sa mga smartphone, tablet, at iba pang gadyet, halos lagi tayong naka-“on” at available—puwede iyang maka-stress sa atin, at sa katagalan, maka-burnout.
Kulang sa tulog. “Dahil sa pag-aaral, trabaho, at paglilibang, maraming kabataan ang napupuyat at saka gumigising nang maaga—alam nilang masama pero wala silang magawa,” ang sabi ng kabataang si Miranda. Madalas na nauuwi ang ganiyang lifestyle sa burnout.
Kung bakit ito mapanganib
Pinasisigla tayo ng Bibliya na maging masipag. (Kawikaan 6:6-8; Roma 12:11) Pero hindi nito inirerekomenda na sagarin mo ang sarili mo hanggang sa maapektuhan ang lahat ng bagay sa buhay mo—kasali na ang kalusugan mo.
“Minsan, hindi ko namalayang maghapon na pala akong hindi kumakain. Tutok na tutok kasi ako sa pag-aasikaso sa maraming responsibilidad na tinanggap ko. Natutuhan kong hindi maganda na oo lang ako nang oo sa kahit anong ipagawa sa akin—kung kalusugan ko naman ang kapalit.”—Ashley.
Tama ang sabi ng Bibliya: “Ang buháy na aso ay mas mabuti pa kaysa sa patay na leon.” (Eclesiastes 9:4) Kapag pinipilit mong gawin ang higit sa talagang kaya mo, baka maisip mong kasinlakas ka ng leon. Pero di-magtatagal, mabe-burnout ka at masisira ang kalusugan mo.
Ang puwede mong gawin
Matutong tumanggi. Sinasabi ng Bibliya: “Ang karunungan ay nasa mga mahinhin.” (Kawikaan 11:2) Alam ng isang taong mahinhin, o mapagpakumbaba, ang kaniyang mga limitasyon at hindi siya tumatanggap ng mas maraming atas kaysa sa kaya niyang gawin.
“Ang pinakamalamang na ma-burnout ay ang taong hindi marunong tumanggi at pinipilit gawin ang lahat ng ipinagagawa sa kaniya. Hindi iyon kapakumbabaan. Sa bandang huli, mabe-burnout ka.”—Jordan.
Magpahinga nang sapat. Sinasabi ng Bibliya: “Mas mabuti ang sandakot na kapahingahan kaysa sa dalawang dakot ng pagpapagal at paghahabol sa hangin.” (Eclesiastes 4:6) Ang pagtulog ay sinasabing “pagkain ng utak.” Kailangan ng mga tin-edyer ang 8 hanggang 10 oras na tulog bawat gabi, pero hindi ito nagagawa ng karamihan sa kanila.
“Nagpupuyat ako kapag sobrang hectic na ang iskedyul ko. Pero ang isang oras na ginagamit ko sa pagpupuyat, puwede sanang itulog ko na lang. Mas marami pa akong magagawa at magiging mas masigla ako sa kasunod na araw.”—Brooklyn.
Maging organisado. Sinasabi ng Bibliya: “Ang mga plano ng masikap ay tiyak na magdudulot ng kapakinabangan.” (Kawikaan 21:5) Pag-aralan mong organisahin ang oras at mga gawain mo. Mapapakinabangan mo habambuhay ang kasanayang iyan.
“Tayo kung minsan ang nagbibigay ng stress sa sarili natin. Pero maiiwasan iyan kung gagamit ka ng planner. Kapag nasa harap mo ang iskedyul mo, mas madaling malaman kung saan ka puwedeng gumawa ng adjustment para hindi ka ma-burnout.”—Vanessa.