TANONG NG MGA KABATAAN
Ano ang Gagawin Ko Kapag Nasuway Ko ang mga Magulang Ko?
Halos lahat ng pamilya, may patakaran tungkol sa curfew, paggamit ng gadyet, tamang asal, at iba pa.
Paano kung hindi mo ito nasunod? Hindi mo na mababago iyon, pero may magagawa ka para hindi na lumala ang sitwasyon. Iyan ang ipapakita sa artikulong ito.
Ang hindi dapat gawin
Kung hindi alam ng mga magulang mo na sinuway mo sila, baka matukso kang itago ang nagawa mo.
Kung alam nila ang ginawa mo, baka matukso ka namang magdahilan o sisihin ang iba.
Hindi tamang gawin ang mga iyan. Bakit? Kasi kapag pinagtatakpan mo ang ginawa mo at gumagawa ka ng dahilan, ibig sabihin, immature ka pa. Ipinapakita mo lang sa mga magulang mo na hindi ka pa responsable.
“Hindi solusyon ang pagsisinungaling. Lalabas at lalabas din ang katotohanan, at mas mabigat ang magiging parusa mo, kasi ’di mo agad inamin ang ginawa mo.”—Diana.
Ang mas magandang paraan
Aminin ang ginawa mo. Sinasabi ng Bibliya: “Ang nagtatago ng kaniyang mga kasalanan ay hindi magtatagumpay.” (Kawikaan 28:13) Alam ng mga magulang mo na hindi ka perpekto. Pero ang tanong, Sasabihin mo ba sa kanila ang totoo?
“Mas uunawain ka ng mga magulang mo kung magsasabi ka ng totoo. Kapag nagtapat ka sa kanila, makikita nilang mapagkakatiwalaan ka pa rin.”—Olivia.
Mag-sorry. Sinasabi ng Bibliya: “Magbihis [kayo] ng kapakumbabaan.” (1 Pedro 5:5) Kailangan ng kapakumbabaan para mag-sorry at pigilan ang sarili na magdahilan pa.
“Unti-unting namamanhid ang konsensiya ng mga taong laging nagdadahilan. Bandang huli, hindi na sila magi-guilty kapag may ginawa silang mali.”—Heather.
Tanggapin ang resulta ng ginawa mo. Sinasabi ng Bibliya: “Makinig kayo sa disiplina.” (Kawikaan 8:33) Huwag magreklamo, at tanggapin ang anumang pagbabawal ng mga magulang mo.
“Kapag nagreklamo ka tungkol sa parusa sa ’yo, lalo lang lalala ang sitwasyon. Kahit mahirap, tanggapin mo ang pagbabawal, at huwag kang magpokus sa hindi mo na magagawa.”—Jason.
Gumawa ng paraan para maibalik ang pagtitiwala sa iyo. Sinasabi ng Bibliya: “Alisin ang inyong lumang personalidad na naaayon sa dati ninyong paraan ng pamumuhay.” (Efeso 4:22) Patuloy na gumawa ng tama para maipakita mong responsable ka.
“Kung lagi kang gagawa ng tamang desisyon at papatunayan mo sa mga magulang mo na hindi mo na uulitin ang ginawa mo, babalik ang tiwala nila sa ’yo.”—Karen.
TIP: Higitan pa ang inaasahan ng mga magulang mo sa iyo para mapatunayan mong mapagkakatiwalaan ka. Halimbawa, kapag umalis ka ng bahay, ipaalám sa mga magulang mo kapag pauwi ka na—kahit hindi ka naman male-late. Kapag ginawa mo ito, makikita nilang gusto mong maibalik ang tiwala nila sa iyo.