Pumunta sa nilalaman

TANONG NG MGA KABATAAN

Paano Ko Haharapin ang Depresyon?

Paano Ko Haharapin ang Depresyon?

Kung alam mo ang gagawin mo, mas gaganda ang pakiramdam mo!

 Ano ang gagawin mo?

Pag-isipan ang dalawang senaryo:

Wala nang makapagpasaya kay Jennifer. Kahit walang dahilan, iyak siya nang iyak araw-araw. Umiiwas siya sa mga tao at halos hindi na kumakain. Nahihirapan din siyang matulog o mag-concentrate. Sabi ni Jennifer: ‘Ano’ng nangyayari sa ’kin? Babalik pa kaya ako sa dati?’

Magaling na estudyante dati si Mark. Pero ngayon, ayaw na niyang pumasok sa school at pababa nang pababa ang grades niya. Ayaw na rin niyang maglaro ng paborito niyang sports. Hindi siya maintindihan ng mga kaibigan niya. Nag-aalala rin ang mga magulang niya. Normal lang ba ito—o may problema na?

Nakaka-relate ka ba kina Jennifer o Mark? Kung oo, ano ang puwede mong gawin?

  1. Harapin nang mag-isa ang pinagdaraanan mo

  2. Makipag-usap sa pinagkakatiwalaan mong mas matanda sa iyo

Parang mas okey ang A, lalo na kapag ayaw mong makipag-usap sa iba. Pero ito nga ba ang mas magandang gawin? Sinasabi ng Bibliya: “Ang dalawa ay mas mabuti kaysa sa isa, . . . sapagkat kung mabuwal ang isa sa kanila, maibabangon ng isa pa ang kaniyang kasama. Ngunit paano na lamang kung mabuwal ang isa at walang ibang magbabangon sa kaniya?”—Eclesiastes 4:9, 10.

Kunwari, naligaw ka sa isang delikadong lugar. Madilim at may mga taong naghihintay lang ng pagkakataong mambiktima. Ano’ng gagawin mo? Puwede ka namang mag-isang humanap ng paraan para makaalis. Pero hindi ba mas maganda kung hihingi ka ng tulong sa isang pinagkakatiwalaan mo?

Ang depresyon ay para ding isang delikadong lugar. Totoo, nalulungkot tayo paminsan-minsan at lumilipas din iyon. Pero kung nagtatagal na ito, mas mabuting humingi ng tulong.

SIMULAIN SA BIBLIYA: “Ang nagbubukod ng kaniyang sarili ay . . . laban sa lahat ng praktikal na karunungan.”—Kawikaan 18:1.

Ang maganda sa B​—pakikipag-usap sa magulang o iba pang pinagkakatiwalaang mas matanda sa iyo—malalaman mo kung paano nila nalampasan ang mga negatibong emosyon.

Baka sabihin mo: ‘Hindi naman naiintindihan ng mga magulang ko ang nararamdaman ko!’ Pero sigurado ka ba? Kahit iba ang pinagdaanan nila noong kabataan pa sila, puwedeng pareho ang naramdaman ninyo. At puwede ka nilang matulungan!

SIMULAIN SA BIBLIYA: “Hindi ba may karunungan sa matatanda na at unawa sa kahabaan ng mga araw?”—Job 12:12.

Ang punto: Kapag lumapit ka sa magulang mo o iba pang pinagkakatiwalaan mong mas matanda sa iyo, malamang na mabibigyan ka nila ng magandang payo.

Kapag nade-depress ka, para kang naliligaw sa isang delikadong lugar. Para makaalis, humingi ng tulong

 Paano kung sakit na pala ito?

Kung nade-depress ka araw-araw, baka clinical (o, major) depression na iyan na kailangang ipagamot.

Sa mga kabataan, ang mga sintomas ng clinical depression ay katulad na katulad din ng karaniwang pagbabago ng mood ng isang teenager, pero kadalasan nang mas matindi at nagtatagal. Kaya kung ganiyan ang nararamdaman mo, bakit hindi sabihin sa mga magulang mo na gusto mong magpa-checkup?

SIMULAIN SA BIBLIYA: “Ang mga taong malusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit.”—Mateo 9:12.

Kung mayroon kang major depression, huwag kang mahiya. Karaniwan lang ang depresyon sa mga kabataan, at nagagamot iyan! Hindi magbabago ang tingin sa iyo ng mga tunay mong kaibigan.

Tip: Huwag mainip. Medyo matagal mawala ang depresyon, at asahan mo nang may masaya at malungkot na mga araw. a

 Ang puwede mong gawin

Kailangan mo mang magpagamot o hindi, may magagawa ka para maharap ang nagtatagal na kalungkutan. Halimbawa, makakatulong sa iyo ang regular na ehersisyo, masustansiyang pagkain, at sapat na tulog. (Eclesiastes 4:6; 1 Timoteo 4:8) Makakatulong din kung isusulat mo ang nadarama mo, gusto mong gawin para gumaling, kung kailan mo naharap ang lungkot, at kung kailan hindi.

May clinical depression ka man o may pinagdaraanan lang, tandaan ito: Kung tatanggapin mo ang tulong ng iba at gagawa ka ng mga hakbang para tulungan ang sarili mong gumaling, mahaharap mo ang depresyon.

 Makakatulong na mga teksto sa Bibliya

  • “Si Jehova ay malapit sa mga wasak ang puso; at yaong mga may espiritung nasisiil ay inililigtas niya.”—Awit 34:18.

  • “Ihagis mo ang iyong pasanin kay Jehova, at siya ang aalalay sa iyo. Hindi niya kailanman ipahihintulot na ang matuwid ay makilos.”—Awit 55:22.

  • “Ako, si Jehova na iyong Diyos, ay nakahawak sa iyong kanang kamay, ang Isa na nagsasabi sa iyo, ‘Huwag kang matakot. Ako ang tutulong sa iyo.’”—Isaias 41:13.

  • “Huwag kayong mabalisa tungkol sa susunod na araw.”—Mateo 6:34.

  • “Ipaalam ang inyong mga pakiusap sa Diyos; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso.”—Filipos 4:6, 7.

a Kung naiisip mong magpakamatay, humingi agad ng tulong sa pinagkakatiwalaan mong mas matanda sa iyo. Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang seryeng “Bakit Pa Kailangang Mabuhay?” sa Gumising! isyu ng Abril 2014.