TANONG NG MGA KABATAAN
Paano Makakatulong sa Akin ang Bibliya?—Bahagi 2: Kung Paano Mag-e-enjoy sa Pagbabasa ng Bibliya
“Puwedeng maging boring ang Bibliya,” ang sabi ng tin-edyer na si Will, “kung hindi mo alam ang tamang paraan ng pagbabasa nito.”
Gusto mo bang malaman ang sekreto kung paano mag-e-enjoy sa pagbabasa ng Bibliya? Makakatulong sa iyo ang artikulong ito.
Bigyang-buhay ang Kasulatan
Damhin ang binabasa mo. Puwede mong gawin ang mga ito:
Pumili ng isang ulat sa Bibliya na gusto mong pag-aralan. Puwede kang pumili ng isang pangyayari o isang bahagi mula sa Ebanghelyo, o isang ulat mula sa Pagbabasa ng Bibliya—Audio Drama na nasa jw.org/tl.
Basahin ang ulat. Puwede mo itong basahin nang mag-isa, o basahin nang malakas kasama ang mga kaibigan o kapamilya mo. May magbabasa bilang tagapaglahad at ang iba naman ay magbabasa ng mga bahagi ng mga karakter.
Subukan ang isa o higit pa sa sumusunod:
Idrowing ang ulat. O magdrowing ng storyboard—simpleng mga larawan na nagpapakita ng sunod-sunod na mga pangyayari. Gawan ito ng kapsiyon na nagsasabi kung ano ang nangyayari sa bawat eksena.
Magdrowing ng dayagram. Halimbawa, habang binabasa mo ang tungkol sa isang tapat na karakter, ikonekta ang mga katangian at mga ginawa niya sa mga pagpapalang tinanggap niya.
Gawing balita ang ulat. Ireport ang pangyayari mula sa iba’t ibang anggulo, at interbyuhin ang mga pangunahing tauhan at mga saksi.
Kung may isang karakter na gumawa ng maling desisyon, mag-isip ng ibang katapusan ng istorya. Halimbawa, pag-isipan ang tungkol sa pagkakaila ni Pedro kay Jesus. (Marcos 14:66-72) Ano kaya ang magandang ginawa sana ni Pedro?
Kung gusto mong sumulat ng kuwento, gumawa ng sarili mong istorya batay sa isang ulat ng Bibliya. Isama doon ang mga aral na matututuhan mula sa ulat.—Roma 15:4.
Mag-research!
Kung susuriin mo ang mga detalye, may matutuklasan kang mga aral sa isang ulat. Kung minsan, mahalaga kahit ang isa o dalawang salita lang sa isang ulat ng Bibliya.
Halimbawa, ihambing ang Mateo 28:7 sa Marcos 16:7.
Bakit isinama ni Marcos ang detalye na malapit nang magpakita si Jesus sa mga alagad at “kay Pedro”?
Clue: Hindi nakita ni Marcos ang mga pangyayaring ito; lumilitaw na nakuha niya ang impormasyon kay Pedro.
Aral: Bakit nakatulong kay Pedro nang malaman niyang gusto siyang makita ulit ni Jesus? (Marcos 14:66-72) Paano pinatunayan ni Jesus na tunay na kaibigan siya ni Pedro? Paano ka magiging isang tunay na kaibigan gaya ni Jesus?
Kung bibigyang-buhay mo ang Kasulatan at ire-research ang mga detalye, mag-e-enjoy ka sa pagbabasa ng Bibliya!