TANONG NG MGA KABATAAN
Paano Ko Maiiwasang Maging Negatibo?
Ano ang tingin mo sa sarili mo?
Positibo
“Sinisikap kong maging masaya at relaks araw-araw. Bakit naman ako malulungkot?”—Valerie.
Negatibo
“Kapag okey ang lahat, ang una kong naiisip, ‘parang may mali.’”—Rebecca.
Makatotohanan
“Kapag masyado kang positibo, madidismaya ka lang; malulungkot ka naman kapag negatibo ka. Pero kung makatotohanan ka, magkakaroon ka ng tamang pananaw sa mga bagay-bagay.”—Anna.
Mahalaga ba ito?
Sinasabi ng Bibliya na “laging may pagdiriwang ang taong masaya ang puso.” (Kawikaan 15:15) Oo, kung iiwasan mong mag-isip ng negatibo at magpopokus ka sa positibo, magiging mas masaya ka. Magkakaroon ka rin ng mas maraming kaibigan. Sino ba naman ang gustong makipagkaibigan sa taong laging nakasimangot?
Siyempre pa, may mga realidad ng buhay na hindi natin maiiwasan kahit na positibo tayo. Halimbawa:
Baka puro tungkol sa digmaan, terorismo, at krimen ang laman ng balita.
Nagkakaproblema ang pamilya ninyo.
Nagkakamali ka at may mga kahinaang pinaglalabanan.
Nasaktan ka ng kaibigan mo.
Sa halip na magbulag-bulagan sa realidad ng buhay—o kaya naman ay magpokus sa mga iyon—maging makatotohanan. Sa gayon, matatanggap mo ang sitwasyon nang hindi pinanghihinaan ng loob at maiiwasan mong maging masyadong negatibo.
Ang puwede mong gawin
Tandaang nagkakamali ang lahat.
Sinasabi ng Bibliya: “Walang taong matuwid sa lupa na laging tama ang ginagawa at hindi nagkakasala.” (Eclesiastes 7:20) Nagkakamali ka dahil tao ka lang. Pero hindi naman ibig sabihin noon na wala ka nang ginawang tama.
Kung paano magiging makatotohanan: Sikaping mapagtagumpayan ang mga kahinaan mo, pero tandaan na hindi ka perpekto. “Iniiwasan kong magpokus sa mga pagkakamali ko,” ang sabi ng kabataang si Caleb. “Pero tinitingnan ko kung ano’ng matututuhan ko doon.”
Huwag ikumpara ang sarili sa iba.
Sinasabi ng Bibliya: “Huwag tayong maging mapagmataas, huwag tayong makipagkompetensiya sa isa’t isa, at huwag nating kainggitan ang isa’t isa.” (Galacia 5:26) Kapag tinitingnan mo sa social media kung ano ang nangyari sa mga okasyon na hindi ka inimbitahan, sasama lang ang loob mo. Baka isipin mo pang ayaw sa iyo ng mga kaibigan mo.
Kung paano magiging makatotohanan: Tanggapin na hindi ka laging maiimbitahan. Isa pa, hindi naman lahat ng nangyari ay naka-post sa social media. “Kadalasan, y’ong magagandang nangyari lang ang pino-post sa social media,” ang sabi ng kabataang si Alexis. “Hindi nila pino-post y’ong hindi gaanong exciting.”
Makipagpayapaan—lalo na sa iyong pamilya.
Sinasabi ng Bibliya: “Kung posible, hangga’t nakadepende sa inyo, makipagpayapaan kayo.” (Roma 12:18) Hindi mo makokontrol ang ginagawa ng iba, pero makokontrol mo ang reaksiyon mo. Puwede kang maging mapagpayapa.
Kung paano magiging makatotohanan: Maging determinadong huwag nang palalain ang di-pagkakaunawaan ng inyong pamilya; makipagpayapaan ka gaya ng ginagawa mo sa kaibigan mo. “Walang perpekto, at talagang nasasaktan tayo ng iba paminsan-minsan,” ang sabi ng kabataang si Melinda. “Pero nasa atin kung paano tayo magre-react—kung palalampasin natin iyon o palalalain.”
Maging mapagpasalamat.
Sinasabi ng Bibliya: “Ipakita ninyong mapagpasalamat kayo.” (Colosas 3:15) Kapag mapagpasalamat ka, mas makakapagpokus ka sa magagandang nangyayari sa iyo.
Kung paano magiging makatotohanan: Tanggaping nagkakaproblema ka, pero tandaang may magagandang bagay pa rin sa buhay mo. “Araw-araw, nagsusulat ako ng isang positibong bagay sa diary ko,” ang sabi ng kabataang si Rebecca. “Gusto kong ipaalaala sa sarili ko na maraming positibong bagay ang puwede kong pag-isipan.”
Maging matalino sa pagpili ng kaibigan.
Sinasabi ng Bibliya: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng magagandang ugali.” (1 Corinto 15:33) Kapag ang lagi mong nakakasama ay mapamuna, mapaghinala, at mabilis sumama ang loob, mahahawa ka sa kanila.
Kung paano magiging makatotohanan: Nagkakaproblema ang mga kaibigan mo, at may mga pagkakataong magiging negatibo sila. Suportahan mo sila, pero huwag mong hayaan na lamunin ka rin ng problema nila. “Hindi dapat puro negatibo ang mga kaibigan natin,” ang sabi ng kabataang si Michelle. “Sa math, kapag pinag-add mo ang dalawang negative number, mas malaking negative number lang ang resulta.”
Magbasa nang higit tungkol sa pagiging positibo
Natutupad na ngayon ang sinasabi ng Bibliya na “magiging mapanganib at mahirap ang kalagayan.” (2 Timoteo 3:1) Nahihirapan ka bang maging positibo sa isang mundo na puno ng problema? Basahin ang “Bakit Napakaraming Pagdurusa?”