TANONG NG MGA KABATAAN
Pakikipagligawan at Pakikipagkasintahan—Bahagi 3: Dapat Ba Kaming Mag-break?
Magkasintahan na kayo. Pero nitong mga nakaraan, nagdadalawang-isip ka, ‘Dapat ba talaga naming ituloy ito o hindi?’ Makakatulong sa iyo ang artikulong ito.
Sa artikulong ito
Kapag nagdadalawang-isip ka
Kapag magkasintahan na ang isang lalaki at isang babae, baka makita nila na marami pala silang pagkakaiba. Halimbawa:
Mahilig ang isa sa beach; mas gusto naman ng isa na mag-hiking.
Extrovert ang isa; pero ang isa naman, introvert.
Maraming hindi sinasabi ang isa; pero napaka-honest naman ng isa.
Napansin mo ba na magkakaiba ang mga binanggit na senaryo? Sa una, magkaiba sila ng hilig o gusto; sa ikalawa naman, magkaiba sila ng ugali; at sa ikatlo, magkaiba sila ng prinsipyo sa buhay.
Pag-isipan: Sa tatlong iyan, saan ka pinakamahihirapan kung maging mag-asawa kayo? Mayroon ba sa tatlong iyan na makakapag-adjust kayo?
Posible pa ring maging masaya ang pagsasama ng mag-asawa kahit na magkaiba sila ng mga hilig o mga ugali. Kasi hindi naman ibig sabihin na kapag compatible sila, parehong-pareho na sila. Baka nga magustuhan pa nila ang hilig ng isa’t isa o mapabuti sila sa ugali ng asawa nila. a
Pero napakahalaga na pareho kayo ng mapapangasawa mo ng prinsipyo sa buhay pagdating sa relihiyon, moralidad, at paninindigan kung ano ang tama at mali. Kasi kung hindi, baka kailangan mong pag-isipan kung itutuloy pa ba ninyo ang relasyon ninyo.
Halimbawa, tungkol sa mga mag-asawang magkaiba ng mga relihiyosong paniniwala, sinabi ng aklat na Fighting for Your Marriage: “Ipinapakita ng mga research na mas malamang na magdiborsiyo ang mga mag-asawang magkaiba ng relihiyon.”
Prinsipyo sa Bibliya: “Huwag kayong makisama sa mga di-kapananampalataya na para bang pareho kayo, dahil imposibleng magawa iyon.”—2 Corinto 6:14, Good News Translation.
Magdesisyon
Sinasabi ng Bibliya na ang mga nag-aasawa ay makakaranas ng “kirot at pighati.” (1 Corinto 7:28, The New English Bible) Kaya huwag magtaka kung ngayon pa lang na magkasintahan kayo, nararanasan na ninyo iyon.
Normal lang naman sa isang relasyon ang mga di-pagkakasunduan. Pero ang tanong, Kaya ba ninyong lutasin iyon sa maayos na paraan? Kailangan ninyong magawa iyan lalo na kung mag-asawa na kayo.
Prinsipyo sa Bibliya: “Maging mabait kayo sa isa’t isa at tunay na mapagmalasakit, at lubusan ninyong patawarin ang isa’t isa.”—Efeso 4:32.
Pero kung madalas o seryoso ang mga pagtatalo ninyo, baka senyales iyon na hindi talaga kayo bagay. Kung ganoon nga, mas mabuting malaman mo na ngayon habang hindi pa kayo kasal!
Tandaan: Kung nagdadalawang-isip ka sa kasintahan mo o hindi ka sigurado kung handa ka nang magpakasal, huwag bale-walain ang mga ito.
Prinsipyo sa Bibliya: “Nakikita ng matalino ang panganib at nagtatago, pero tulóy lang ang mga walang karanasan at pinagdurusahan ang epekto nito.”—Kawikaan 22:3.
Kapag nagdesisyon kang makipag-break
Talagang masakit kapag nag-break kayo. Pero kung may isa sa inyo o pareho kayong may seryosong pag-aalinlangan tungkol sa relasyon ninyo, baka mas magandang maghiwalay na lang kayo.
Paano ninyo gagawin iyan? Mas magandang gawin ang pakikipag-break nang personal, maliban na lang kung may mabigat na dahilan para hindi gawin iyon. Kaya imbes na makipag-break sa text o sa phone, pag-usapan ninyo nang personal ang seryosong bagay na ito sa tamang panahon at lugar.
Prinsipyo sa Bibliya: “Magsalita kayo ng katotohanan sa isa’t isa.”—Zacarias 8:16.
Mali bang makipag-break ka? Hindi. Tandaan, sa panahong magkasintahan kayo, doon mo malalaman kung dapat mo siyang pakasalan o hindi. Kahit hindi kayo nagkatuluyan, siguradong may natutuhan ka.
Tanungin ang sarili: ‘Ano ang natutuhan ko tungkol sa sarili ko pagkatapos ng relasyong ito? May mga kailangan pa ba akong gawin o matutuhan para maging handa sa pag-aasawa? Kung makikipagligawan ako ulit, ano ang gagawin ko o hindi gagawin?’
a Para mas maintindihan kung paano makakaapekto sa mga mag-asawa ang mga hamong iyan, tingnan ang mga artikulong “Tulong Para sa Pamilya—Kung Paano Haharapin ang mga Pagkakaiba” at “Tulong Para sa Pamilya—Paano Kung May Nakakainis na Ugali ang Asawa Ko?”