PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA
Juan 1:1—“Nang Pasimula ay Naroon Na ang Salita”
“Sa pasimula ay umiral ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay isang diyos.”—Juan 1:1, Bagong Sanlibutang Salin.
“Nang pasimula ay naroon na ang Salita; ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos.”—Juan 1:1, Magandang Balita Biblia.
Ibig Sabihin ng Juan 1:1
Ipinapakita sa tekstong ito ang ilang detalye tungkol sa buhay ni Jesu-Kristo bago siya bumaba sa lupa bilang tao. (Juan 1:14-17) Sa talata 14, “ang Salita” (o “ang Logos,” sa Griego, ho loʹgos) ay ginamit bilang titulo. Lumilitaw na ang titulong “ang Salita” ay lumalarawan sa papel ni Jesus na itawid sa mga tao ang mga utos at tagubilin ng Diyos. Patuloy na ipinaalám ni Jesus ang mensahe ng Diyos noong nandito siya sa lupa at kahit noong bumalik na siya sa langit.—Juan 7:16; Apocalipsis 1:1.
Ang pananalitang “sa pasimula” ay tumutukoy sa panahon kung kailan nagsimula ang paglalang ng Diyos, at ito ay noong lalangin niya ang Salita. Pagkatapos, ginamit ng Diyos ang Salita sa paglikha ng lahat ng iba pang bagay. (Juan 1:2, 3) Sinasabi ng Bibliya na si Jesus ang “panganay sa lahat ng nilalang” at na “sa pamamagitan niya, nilalang ang lahat ng iba pang bagay.”—Colosas 1:15, 16.
Ginamit ang pananalitang “ang Salita ay isang diyos” para ipakita na si Jesus ay nasa anyong-diyos o tulad-diyos bago siya bumaba sa lupa. Tama lang ang pagkakalarawan sa kaniya dahil siya ang Tagapagsalita ng Diyos. Mayroon din siyang espesyal na posisyon bilang panganay na Anak ng Diyos, at sa pamamagitan niya ay nilalang ng Diyos ang lahat ng iba pang bagay.
Konteksto ng Juan 1:1
Ang aklat ng Juan ay tungkol sa buhay at gawaing pagtuturo ni Jesus dito sa lupa. Sa unang mga bahagi ng unang kabanata, mababasa ang tungkol sa buhay ni Jesus bago siya naging tao, ang espesyal na kaugnayan niya sa Diyos, at ang mahalagang papel niya sa pakikipagkasundo ng Diyos sa mga tao. (Juan 1:1-18) Makakatulong ang mga impormasyong iyan para maintindihan natin ang mga sinabi at ginawa ni Jesus noong nagtuturo siya dito sa lupa.—Juan 3:16; 6:38; 12:49, 50; 14:28; 17:5.
Mga Maling Akala Tungkol sa Juan 1:1
Maling akala: Ang tamang salin sa huling bahagi ng Juan 1:1 ay dapat na “ang Salita ay Diyos.”
Ang totoo: Ganiyan ang pagkakasalin diyan ng maraming translator ng Bibliya, pero may ilan na hindi sang-ayon sa saling iyan. Sa orihinal na wika, may pagkakaiba ang dalawang paglitaw ng “Diyos” (Griego, the·osʹ) sa Juan 1:1. Sa unang paglitaw, gumamit ng tiyak na pantukoy bago banggitin ang salitang “Diyos,” pero walang ginamit na pantukoy sa sumunod na paglitaw. Para sa maraming iskolar, may ibig sabihin ang hindi paglalagay ng tiyak na pantukoy sa pangalawang the·osʹ. Halimbawa, ganito ang sinasabi ng The Translator’s New Testament tungkol sa hindi paglalagay ng tiyak na pantukoy: “Dahil dito, parang naging pang-uri o paglalarawan ang pangalawang paggamit sa Theos (Diyos) kaya ang ibig sabihin ng pariralang ito ay ‘Ang Salita ay tulad-diyos.’” a Ganiyan din ang sinasabi ng ibang iskolar b at ng ilang salin ng Bibliya.—Tingnan ang “ Iba Pang Salin ng Juan 1:1.”
Maling akala: Itinuturo ng teksto na ang Salita at ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat ay iisa lang.
Ang totoo: Sa pagsasabing “ang Salita ay kasama ng Diyos,” ipinapakita nito na may dalawang magkaibang persona sa teksto. Hindi puwedeng mangyari na ang Salita ay “kasama ng Diyos” kung siya rin ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Ipinapakita rin ng sumunod na mga talata na ang Salita ay hindi ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Sinasabi ng Juan 1:18 na “walang taong nakakita sa Diyos kailanman.” Pero nakita ng mga tao ang Salita, si Jesus, kasi sinasabi sa Juan 1:14 na “ang Salita ay naging tao at namuhay kasama namin, at nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian.”
Maling akala: Walang panahong hindi umiral ang Salita.
Ang totoo: Ang salitang “pasimula” na binanggit sa tekstong ito ay hindi puwedeng tumukoy sa “pasimula” ng Diyos, kasi walang pasimula ang Diyos. Ang Diyos na Jehova c ay “mula sa panahong walang pasimula hanggang sa panahong walang wakas.” (Awit 90:1, 2) Pero ang Salita, si Jesu-Kristo, ay may pasimula. Siya “ang pasimula ng paglalang ng Diyos.”—Apocalipsis 3:14.
Maling akala: Sa pagtawag sa Salita na “isang diyos,” sinusuportahan nito ang politeismo, o ang pagsamba sa maraming diyos.
Ang totoo: Ang salitang Griego para sa “Diyos” o “diyos” (the·osʹ) ay kadalasang ginagamit para sa mga salitang Hebreo na ʼel at ʼelo·himʹ, na makikita sa bahagi ng Bibliya na tinatawag ng marami na Lumang Tipan. Sa wikang Hebreo, pinaniniwalaan na ang ibig sabihin ng mga salitang ito ay “Isa na Makapangyarihan; Isa na Malakas.” Ginagamit ang mga salitang ito para sa Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat, iba pang diyos, at kahit pa nga sa tao. (Awit 82:6; Juan 10:34) Ang Salita ang ginamit ng Diyos para lalangin ang lahat ng iba pang bagay, kaya tama lang na tawagin siyang makapangyarihan. (Juan 1:3) Ang paglalarawan sa Salita bilang “isang diyos” ay kaayon ng hula sa Isaias 9:6. Inihula doon na ang pinili ng Diyos, ang Mesiyas o Kristo, ay tatawaging “Makapangyarihang Diyos” (Hebreo, ʼEl Gib·bohrʹ), pero hindi “Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat” (ʼEl Shad·daiʹ, gaya ng ginamit sa Genesis 17:1; 35:11; Exodo 6:3; Ezekiel 10:5).
Hindi itinuturo ng Bibliya ang politeismo. Sinabi ni Jesu-Kristo: “Si Jehova na iyong Diyos ang dapat mong sambahin, at siya lang ang dapat mong paglingkuran.” (Mateo 4:10) Sinasabi ng Bibliya: “Dahil kahit may tinatawag na mga diyos, sa langit man o sa lupa, at maraming ‘diyos’ at ‘panginoon’ ang mga tao, alam natin na iisa lang ang Diyos, ang Ama, na pinagmulan ng lahat ng bagay, at nabubuhay tayo para sa kaniya; at iisa lang ang Panginoon, si Jesu-Kristo, na sa pamamagitan niya ay umiral ang lahat ng bagay, at nabuhay tayo sa pamamagitan niya.”—1 Corinto 8:5, 6.
Iba Pang Salin ng Juan 1:1
“Sa pasimula ay umiral ang Salita. Ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay tulad-diyos.”—The Bible—An American Translation, 1935, nina J.M.P. Smith at E. J. Goodspeed.
“Umiral ang Logos sa pinakasimula, ang Logos ay kasama ng Diyos, ang Logos ay tulad-diyos.”—The Bible—Containing the Old and New Testaments, 1950, ni James Moffatt.
“Ang Salita ay nasa pasimula, at ang salita ay kasama ng Diyos, at ang salita ay isang diyos.”—The New Testament in an Improved Version, 1808, inedit ni Thomas Belsham, batay sa isang salin ng Bagong Tipan ni William Newcome.
“Sa pasimula ay ang Salita. At ang Salita ay kasama ng Diyos. Kaya ang Salita ay tulad-diyos.”—The Authentic New Testament, 1958, ni Hugh J. Schonfield.
a The Translator’s New Testament, pahina 451.
b Sinabi ng iskolar na si Jason David BeDuhn na dahil walang ginamit na tiyak na pantukoy, magkaiba ang dalawang paglitaw ng “Diyos” sa tekstong ito. Ang isa ay ‘isang diyos’ at ang isa naman ay ‘Diyos.’ Sinabi pa niya: “Sa Juan 1:1, ang Salita ay hindi ang iisa-at-tanging Diyos, kundi isang diyos, o isang personang gaya ng diyos.”—Truth in Translation: Accuracy and Bias in English Translations of the New Testament, pahina 115, 122, at 123.
c Jehova ang personal na pangalan ng Diyos.—Awit 83:18.